Transport strike ng Piston, ipinagpaliban

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2017 10:43 AM | Updated as of Dec 03 2017 12:34 PM

MANILA - (UPDATED) Inanunsyo ng transport group na Piston nitong Linggo, na hindi na matutuloy ang kanilang planong tigil-pasada laban sa jeepney modernization program sa Disyembre 4 at 5.

Ito'y matapos pagbigyan ng grupo ang panawagan ni Senador Grace Poe na talakayin na lang sa hearing sa Senado ang kanilang mga agam-agam, ayon kay George San Mateo, presidente ng Piston.

Magsasagawa na lang aniya ang Piston ng transport caravan mula Quezon City hanggang Mendiola, Maynila sa Lunes at magkakasa ng panibagong transport strike sa Enero.

Dagdag ni San Mateo, aapela sila kay Poe na makaharap sa Senado si Transportation Secretary Arthur Tugade upang maipakita sa kanya ang kanilang pag-aaral at mga alternatibong plano.

Pinuri naman ni Poe ang desisyon ng grupo na iurong ang kanilang protesta. Nangako siyang isasaalang-alang sa Senate hearing ang kapakanan ng lahat ng sektor.

Una nang iginiit ng Piston na hindi kakayanin ng mga driver ang P1.3 milyon hanggang P1.6 milyon na presyo ng mga makabagong modelo ng jeepney.

Taliwas ito sa pahayag na Federation of Jeepney Operators and Drivers Associations of the Philippines na abot-kamay naman ng mga driver at operator ang pagbili ng mga makabagong dyip.

Nitong Oktubre, binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga driver at operator ng hanggang Enero upang sumunod sa jeepney modernization program. - Ulat ni Jeff Hernaez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.