LTFRB, patuloy na magbabantay kahit kanselado ang transport strike

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2017 02:29 PM | Updated as of Dec 03 2017 08:40 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tiniyak ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na handa silang magbigay ng ayuda sa mga pasahero sakaling magkaroon ng biglaang transport strike.

Ito'y matapos ianunsiyo ng transport group na Piston na ipagpapaliban muna nila ang kanilang planong tigil-pasada sa Disyembre 4 at 5.

"We will remain in our monitoring mode, we will not deactivate our JQRT (Joint Quick Response Team) ... we have directed our enforcers to check the terminals of Piston, as well as their routes," ani LTFRB Spokesperson Aileen Lizada sa panayam ng ABS-CBN News nitong Linggo.

(Mananatili tayong nakabantay, hindi natin bubuwagin ang ating JQRT ... sinabihan na namin ang aming enforcers na tingnan ang mga terminal ng Piston, pati ang mga rutang dinaraanan nila.)

Ayon kay Lizada, mayroon nakahandang 31 sasakyan at 22 pribadong bus ang gobyerno para sa mga pasaherong maaapektuhan ng tigil-pasada.

"We need to be thorough and we cannot just leave anything to chance," ani Lizada.

(Kailangan nating maging mabusisi at huwag umasa sa pagkakataon.)

Itinigil ng Piston ang kanilang protesta matapos imbitahin ni Senador Grace Poe ang grupo na talakayin na lang sa Senado ang kanilang mga hinaing sa jeepney modernization program.

Magdaraos na lang umano ang Piston ng transport caravan mula Quezon City hanggang Mendiola, Maynila sa Lunes.

Sa kabila nito, iginiit ng Condor-Piston sa Bicol na itutuloy nila ang tigil-pasada sa rehiyon.

Ayon kay Ramon Rescovilla, secretary general ng grupo, wala naman umanong kasiguruhang matutuloy ang Senate hearing.

Noong Oktubre, binigyan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga jeepney driver at operator ng hanggang Enero upang sumunod sa jeepney modernization program.

Huling nagdaos ang Piston ng dalawang araw na transport strike noong Oktubre 16 at 17, na naging dahilan para magsuspinde ng pasok at trabaho sa gobyerno ang Malacañang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.