Bird flu sa Nueva Ecija, kontrolado na: DA

ABS-CBN News

Posted at Dec 03 2017 03:48 PM | Updated as of Dec 03 2017 04:40 PM

MANILA - Kontrolado na ang bird flu sa Cabiao, Nueva Ecija, inanunsyo ni Agriculture Secretary Emmanuel Piñol, Linggo.

Nobyembre 12 nang maiulat sa provincial government ang mataas na bilang ng mga namatay na manok sa isang poultry farm sa Cabiao. 

Nagpositibo kinalaunan ang farm sa H5N6 avian flu, dahilan para suriin ng pamahalaan ang 42,000 manok sa buong bayan.

kakatayin ng gobyerno ang lahat ng manok, itik at pugo sa loob ng 1-kilometrong quarantine zone, tulad ng ginawa sa San Luis, Pampanga noong Agosto, sinabi sa media ni Piñol. 

Aniya, tanging mga alaga ng poultry farm na tinamaan ng bird flu ang papatayin, batay sa bagong international standards, na sinunod din sa kaso ng Cabiao. 

Paliwanag ni Piñol, kung papatayin lahat ng manok sa 1-kilometer, posibleng ilihim ng ibang poultry raisers na may bird flu sa kapitbahay na farm dahil tiyak na madadamay ang kanilang negosyo. 

Itinanggi naman niya na inilihim ng gobyerno ang insidente ng bird flu sa Cabiao. Bagkus, hindi lang aniya siya nag-ingay ukol dito dahil wala namang banta sa kalusugan at upang maprotektahan din ang industriya ng manok. 

"I am the Secretary of Agriculture. I should protect the stakeholders of the agriculture industry. Kung kaya ko namang i-handle ‘yung isang problema, bakit pa ko mag-iingay?" sabi ng kalihim.

"Pero hindi ko tinatago, ah. Kasi nung nalaman ng media, inamin namin, yes, there was such an incident."

May ulat nina Zhander Cayabyab at Abner Mercado, ABS-CBN News