PatrolPH

Negosyante binakuran umano ang ilang residente sa Quezon

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2022 09:38 PM

Contributed video

Sumiklab ang tensyon sa isang sitio sa Sariaya, Quezon matapos gibain ng mga residente ang gate ng bakod na ikinandado ng umano ay umaangkin sa lupa na isang negosyanteng Filipino-Chinese.

Bandang alas 8:00 ng umaga nang pagtulung-tulungan ng mga residente, na karamihan ay kababaihan, na bunutin ang mga poste at itumba ang isang gate sa Sitio Paraiso, Barangay Guis Guis Talon.

Umakma namang haharangin ng mga security guard ang mga residente pero kalaunan ay hinayaan na lamang ang mga ito.

Ayon sa mga residente, giniba nila ang gate dahil nauubusan na sila ng pagkain sa loob at kelangan nilang makabili ng mga pangangailangan.

November 30 ay nagpalabas ng notice ang may-ari ng property na permanenteng isasarado umano ang 2 gate at access road ng nasa 34-ektaryang lupain kung saan nakulong ang nasa 35 kabahayan at naapektuhan ang nasa 1,000 residente.

Wala umanong pinayagang makalabas at makapasok maliban sa mga batang mag-aaral na napipilitan umakyat sa lagpas tao na bakod.

Umaapela rin ang mga residente sa pamahalaang lokal ng Sariaya na mamagitan na at tulungan sila na maresolba ang problema.

Iginigiit ng mga residente na may karapatan sila sa lupang kinatitirikan ng kanilang bahay matapos na bigyan sila ng sertipakasyon ng DAR sa pagkaka-award sa kanila ng lupa sa pamamagitan ng agrarian reform.

Subalit nang mabili ng isang korporasyon ang lupa ay binalewala umano nito ang desisyon ng DAR.

Nakatakdang magharap sa Martes ang mga residente at ang representative ng may-ari ng property sa meeting na pangungunahan ng mayor at ng mga miyembro ng pamahalaang bayan ng Sariaya.—Ulat ni Ronilo Dagos

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.