‘Masahol pa sa shabu’: Masamang epekto ng e-sabong dapat tingnan

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2021 01:27 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA— Ibinahagi ng dating opisyal ng probinsiya ng Pampanga ang malaking problemang idinudulot ng online sabong sa mahihirap nilang kababayan.

Ayon sa dating alkalde ng Candaba na si Jerry Pelayo, ramdam din ng kanilang pamilya ang masamang epektong dulot ng sabong matapos na magpakamatay ang isa nilang kaanak na umano'y nabaon sa utang dahil sa “talpakan.”
 
“Mas malakas po ngayon ang tinatawag nilang talpakan, 'yung sabong express. Ito kasama mo telepono mo 24 hours, ‘di mo alam kung bata o matanda ang tumataya,” sabi ni Pelayo.

Bukod sa pamangkin, nauwi rin sa pagnanakaw dahil sa sabong ang lalaking kasambahay na may apat na taon nang naninilbihan sa kanilang pamilya.

Ikinababahala rin ni Pelayo na maging ang mga bata ay nawiwili sa pagtaya sa online sabong.

“Mas masahol pa ho ito sa shabu sapagka't ang shabu itinago 'yan pero ito po 24 oras kasama mo ang telepono mo, nakakapag-sabong ka,” sabi ni Pelayo sa panayam sa TeleRadyo Huwebes ng umaga.

Sabi ni Pelayo, hindi bababa umano sa lima ang betting stations sa mga barangay sa Pampanga. 

“Sapagka't ito po ay sugal ng mga mahihirap na nasa kanayunan, ang mga lupa ng magsasaka naisanla na, wala na sa kanila. Ang kanilang kalabaw sinasanla, 'yung bahay po nawawala, naisasanla, nasisira ang pamilya. Marami na rin ang nagnanakaw,” sabi niya.

Aniya, batid naman niya na gustong magkaroon ng dagdag kita ng gobyerno pero mas malaki ang iniiwang epekto nito kaysa sa inaasahang kita mula sa online sabong.

“Ano ba ang epekto nitong kita mo? 'Yung ipinamimigay nating ayuda sa poorest among the poor, 'yung ating ibinibigay sa 4Ps tinataya lang sa sabong. Kapag nasanla ang lupa ng magsasaka paano po ang ating food production sa agrikultura?” sabi niya.

Karamihan sa mga mananaya sa e-sabong ay mga mahihirap na nagbabakasaling manalo at kumita ng pera para hindi na muling magpawis sa bukid.

“‘Di bale po 'yung casino, POGO, mga foreigner po 'yan at hindi ka pwedeng pumunta d'yan kung wala kang bitbit na pera,” sabi niya.

Kaya naman aniyang pigilan ang e-sabong kung gugustuhin.

“Ang aking sinasabi bakit hindi pangkabuhayan ang ituro natin? Bakit puro sugal? Ang epekto sa atin paghihirap ng sambayanang Pilipino,” panghuli niya.