PatrolPH

Mas mahigpit na quarantine, testing measures panawagan dahil sa banta ng Omicron

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2021 12:48 PM | Updated as of Dec 02 2021 07:47 PM

NAIA Terminal 1 noong Nobyembre 29, 2021 sa kalagitnaan ng pagpataw ng travel ban sa 14 bansa na apektado ng Omicron variant ng COVID-19. Mark Demayo, ABS-CBN News
NAIA Terminal 1 noong Nobyembre 29, 2021 sa kalagitnaan ng pagpataw ng travel ban sa 14 bansa na apektado ng Omicron variant ng COVID-19. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA (UPDATE) - Naniniwala ang isang grupo ng mga doktor na kailangan lang ng dagdag na intervention imbis na travel ban sa gitna ng banta ng Omicron variant. 

Ayon kay Dr. Maricar Limpin ng Philippine College of Physicians, kailangan lang ng mas mahigpit na testing at quarantine measures. 

"So hindi naman natin talaga 'yung parang bina-ban. Sa amin, as far as we are concerned, 'yun ang pinakaimportante, have all the travelers, regardless kung saan man sila galing or kung may bakuna man sila o wala, ay siguraduhin lang na mate-test ang travelers na 'yan," ani Limpin sa panayam sa ABS-CBN TeleRadyo. 

Watch more on iWantTFC

Sa ngayon, 14 bansa ang kasama sa COVID-19 red list ng Pilipinas, kabilang ang South Africa kung saan unang na-detect ang variant. 

Bawal pumasok sa bansa ang mga biyaherong galing sa mga red list country sa nakalipas na 14 araw. 

Kung ang flight naman ay bago nailagay sa red list ang bansang pinanggalingan ay pinapayagan ito, pero kinakailangang mag-quarantine pagdating sa Pilipinas.

May higit 60 Pinoy na nagmula sa red list countries ang mino-monitor ng Bureau of Quarantine, habang inoobserbahan sa Negros Occidental ang tatlong South African at isang overseas Filipino worker na dumating sa Pilipinas mula roon.. 

Naka-lockdown ang tinitirhan ng tatlong banyaga at mino-monitor ng local health officials, sabi ng Provincial Administrator ng Negros Occidental na si Reyfrando Diaz. 

Negatibo sa COVID-19 RT-PCR test sa South Africa ang tatlong banyaga at isang OFW. Pero sasailalim pa sila sa 14-day quarantine. 

"Pag nag-positive sila, they will be isolated. We have already prepared an isolation facility for them. And whatever the swab they will get, that will be sent to Manila to really confirm what kind of virus is it," ani Escalante. 

Sa ngayon ay dalawa ang aktibong kaso ng COVID-19 sa bayan, na nasa low-risk category. 

Sabi naman ng Department of Health na mas mabilis na ang pagsasagawa nila ng genome sequencing para sa pag-detect ng COVID-19 variants. 

"We can already do immediate processing of these sequencing and we can immediately issue out. The results within 24-34 hrs for abt 50 samples," ani DOH Undersecretary Maria Rosario Vergeire. 

— May ulat ni Jeff Canoy, ABS-CBN News

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.