Tinataasan ngayon ng mga ospital ang kapasidad nila para sa mga non-COVID patient kasabay ng pagkaunti ng mga tinatamaan ng COVID-19.
Isa rito ang Lung Center of the Philippines sa Quezon City, na kino-convert ngayon ang mga dating COVID ward para maging non-COVID ward.
"Katakot-takot ang linis niyan. Ang pag-disinfect ng COVID to non-COVID will take two to three times paulit-ulit compared to the usual," sabi ni Lung Center spokesperson Dr. Norberto Francsico.
Isang COVID ward at isang intensive care unit-capable area na lang ang itinira ng Lung Center dahil sa pagbaba ng bilang ng COVID-19 patients.
Parehas din ang situwasyon sa ibang pampublikong ospital na nagdagdag ng kapasidad sa mga non-COVID patient.
"Nagkaroon po kami ng pagkakataon para buksan po 'yung ibang wards para ma-cater na po ‘yung mga non-COVID patients na napakarami pong dumarating sa PGH ngayon," ani Philippine General Hospital (PGH) spokesperson Dr. Jonas del Rosario.
"Bukas na po ‘yong aming emergency medicine department, outpatient department. Naga-admit na rin po kami ng non-COVID patients po," sabi naman ni Dr. Alfonso Victorino Famaran Jr., medical chief ng Dr. Jose N. Rodriguez Memorial Hospital and Sanitarium sa Tala, Caloocan.
Gumaganda na rin ang situwasyon sa ilang probinsiya.
Sa Imus, Cavite, isinara ang isang isolation facility dahil wala nang pasyente at inilipat na rin ang mga empleyado nito sa ospital.
Sa natitirang 12 active COVID-19 cases sa Imus nitong Miyerkoles, pawang mga walang sintomas o mild lang ang kaso.
Nakikita rin ng Department of Health (DOH) sa Calabarzon ang parehong trend sa rehiyon, kung saan maraming ospital ang nagre-report na may mga araw na walang COVID-19 patient.
Tiniyak naman ng mga ospital ang kahandaan sakaling dumami ulit ang mga pasyente sa harap ng banta ng Omicron variant.
Batay sa karanasan ng ibang bansa, maaaring magbago ang bumubuting situwasyon sa Pilipinas sakaling kumalat ang Omicron, na posible umanong mas nakahahawa.
"Kung matatapatan ng Omicron ang Delta, kahit gaano kaganda ‘yong sitwasyon ng isang bansa ay talagang mataas pa rin ‘yong magiging risk," ani ABS-CBN Data Analytics head Edson Guido.
— Ulat ni Michael Delizo, ABS-CBN News
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.