MAYNILA - Wala pang desisyon ang mga alkalde sa Metro Manila kung papayagan na ang mga bata sa mga mall ngayong Kapaskuhan.
Nagsagawa ng virtual meeting ang Metro Manila Council Martes ng gabi para pag-usapan ito.
Dinaluhan ang pulong ng mga local chief executives at kanilang mga representante.
Ayon kay San Juan City Mayor Francis Zamora, isa sa mga alkaldeng dumalo sa MMC meeting, hihintayin pa nila ang opinyon ng health experts kung ligtas na bang payagang lumabas ng bahay ang mga menor de edad.
Aniya, mahalagang may basehang medikal ang kanilang magiging desisyon dahil kaligtasan ng mga mamamayan ang nakasalalay rito.
"Sa pagpupulong po ng Metro Manila Council ngayong gabi sa issue ng kung papayagang lumabas ang mga minors ng kanilang tahanan, nagkasundo po kaming mga Metro Manila mayors na hihintayin muna namin ang opinyon ng mga medical experts bago kami gumawa ng aming desisyon o rekomendasyon. Importante po na may medical basis ang aming magiging desisyon o rekomendasyon sapagkat kaligtasan ng ating mga mamamayan po ang nakasalalay dito. Magpupulong po kami sa lalong madaling panahon kapag may opinyon na po ang mga nasabing doktor," ani Zamora.
Magkakaroon muli ng pulong ang MMC kapag may rekomendasyon na ang mga kinonsulta nilang health experts.
Nauna nang sinabi ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año nitong Lunes ng gabi na pinagpaplanuhan na ang pagluluwag sa age restrictions sa mga mall.
Gayunman, kailangang maglabas ng ordinansa ng mga alkalde bago payagan ang mga bata sa mga pasyalan sa mga lugar na nasa ilalim ng GCQ.
Sa panayam ng ANC, sinabi ni Dr. Tony Leachon, dating adviser ng COVID-19 task force na posibleng maging "super spreader" ang mga bata kapag pinayagan silang mamasyal.
RELATED VIDEO
COVID-19, IATF, Eduardo Ano, Metro Manila Council, coronavirus, malls, Christmas, Pasko, minors, menor de edad