PatrolPH

ALAMIN: Ilan pang U-turn slots na isasara ng MMDA

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2020 08:03 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA – Tuluy-tuloy ang pagsasara ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) ng U-turn slots sa EDSA sa kabila ng hinala ng mga motorista at tsuper na ito ang nagdudulot ng traffic sa pangunahing lansangan.

Pinakahuling isinara ang Bagong Barrio/General Malvar U-turn slot noong Lunes.

Pero may dalawang U-turn slot pa ang mananatiling bukas: ang De Jesus at General Tinio U-turn slots. Sabi ng MMDA, isasara rin ang mga ito bago matapos ang taon.

Kaya ang mga motoristang galing north pa-southbound, sa Monumento o sa Balintawak Cloverleaf na iikot.

Kuwento ng jeepney driver na si Richard Dantes, imbes makadiretso na ng A. Bonifacio ang mga sasakyang papunta ng Maynila, nakikipagsiksikan pa sila sa mga sasakyang papunta naman ng EDSA.

Dahil ito sa mga inilagay na concrete barrier na nagsasara sa Camachile street.

"Madalas traffic kasi iisa lang dinadaanan ng Blumentritt at Balintawak ibabaw. Mag-U-turn sila sa EDSA. Kung mabubuksan 'yan, walang traffic dito kasi naghihiwalay po 'yan," sabi niya.

Ayon sa MMDA, kakausapin nila ang pamunuan ng North Luzon Expressway (NLEX) para muling mabuksan ang kalsada lalo't patapos na rin ang ginagawang Skyway doon.

Isa kasi ito sa mga nakikitang dagdag na dahilan ng MMDA ng pagbigat ng trapiko sa EDSA.

Ang mga sasakyang galing kasi ng Novaliches at North Caloocan, kinakailangan pang lumiko pa-Bagong Barrio at mag-U-turn sa EDSA bago makababa ng A. Bonifacio -- mas mahabang ruta na nakakadagdag pa sa dami ng mga bumibiyahe sa EDSA.

"Sumusulat na ang MMDA sa NLEX na mabuksan ang barriers dito sa Camachile para ang mga sasakyan coming from Camachile makadiretso hanggang A. Bonifacio at hindi na mag-merge ang traffic... Sinara 'yan bilang traffic management plan nu'ng ginagawa ang Skyway... Ngayong patapos na, makakahinga na po ang mga motoristang dumadaan dito, lalo southbound," sabi ni MMDA spokesperson Celine Pialago.

Pinasisilip na raw ito ng pamunuan ng NLEX sa kanilang operations team.

Sa Lunes, isa pang U-turn slot sa Bagong Barrio, Caloocan ang muling isasara ng MMDA para bigyang-daan ang mas mabilis na biyahe sa EDSA busway, kaya umaaray ang mga motorista sa layo ng iikutin.

"Sobra naman 'yun. Bakit naman ganu'n nangyayari sa atin? Sana isipin naman nila tayong mga nahihirapan," ani Dantes.

–Mula sa ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.