Libo-libo inilikas sa Bicol, Quezon province dahil sa bagyong Tisoy

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2019 04:30 PM | Updated as of Dec 02 2019 08:55 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATE) Libo-libong tao mula Bicol region at Quezon province ang inilikas sa mga evacuation center dahil sa banta ng matinding pananalasa ng bagyong Tisoy.

Sa Catanduanes, higit 2,000 pamilya ang inilikas at pinutol na rin ang suplay ng kuryente sa buong lalawigan bilang preventive measure.

Umabot sa 2,242 pamilya o 9,875 indibiduwal mula sa 11 munisipalidad ang lumikas sa evacuation center, ayon sa tala ng Catanduanes Provincial Disaster Risk Reduction Management Council (PDRRMC).

Sa Barangay Cogon sa Virac, hindi na nagdalawang-isip ang mga residente, gaya ni Nacerin Pantecio, na sumama papuntang evacuation center nang dumating ang sumundong military truck.

Ayon kay Pantecio, na kasama ang kaniyang 2 anak, natatakot sila sa bahang maaaring idulot ng mga pag-ulang dala ni Tisoy kaya minabuting lumikas para matiyak ang kaligtasan.

Nangangamba rin ang mga nakatira sa tabing-dagat sa malalaking along maaaring tumama sa kanilang lugar.

Kasama sa mga lumikas ang mga preso ng Virac District Jail.

Inilipat muna ang 114 preso sa Catanduanes State University para matiyak ang kaligtasan nila dahil 15 metro lang ang layo ng kulungan sa dagat, ayon sa jail warden na si Inspector Marben Cortes.

Tiniyak naman ni Catanduanes acting governor Shirley Abundo na patuloy silang magiging alerto at handa para sa ano mang epekto ng Bagyong Tisoy.

Sa Camarines Sur, higit 9,700 pamilya o higit 41,000 indibiduwal mula sa 30 bayan ang dinala sa evacuation center, ayon sa PDRRMC.

Kabilang sa mga inilikas ang mga nakatira sa gilid ng San Miguel Bay sa bayan ng Cabusao na nanganganib sakaling magkaroon ng storm surge.

Iniulat din ng PDRRMC na nawalan ng kuryente ang mga bayan ng Garchitorena at Caramoan.

May naibigay nang relief goods sa mga evacuee, ayon sa provincial government.

Binabantayan naman ng pamahalaang lokal sa Naga City ang pagtaas ng tubig sa Naga River.

Inaasahang magla-landfall ngayong gabi ng Lunes ang bagyong Tisoy sa Bicol region, ayon sa state weather bureau na Pagasa.

Maaaring unang tamaan ng bagyo ang Catanduanes, Albay o Sorsogon, at tatawid sa Burias Island sa umaga ng Martes.

QUEZON PROVINCE

Sa Quezon province, lumikas na rin ang mga residente sa mga lugar na posibleng magkaroon ng landslide, storm surge o flash flood.

Kabilang dito ang Alabat, Atimonan, Catanauan, Gumaca, General Luna, Infanta, Guinayangan, at Tagkawayan.

Watch more in iWant or TFC.tv

Sa Catanauan, magkakasama ang mga pulis, militar, at lokal na disaster risk reduction official na pumunta sa islang tinatawag na Sitio Uno para puwersahang ipalikas ang mga residente.

May mga tao raw kasing ayaw umalis kahit delikado.

METRO MANILA NAGHAHANDA NA

Puspusan naman ang paghahanda ng iba't ibang ahensiya sa pinangangambahang pagtama ng bagyong Tisoy sa Metro Manila at mga karatig-lalawigan.

Nagpadala na ang Philippine Coast Guard (PGC) ng mga tauhan sa Marikina, Navotas, Malabon at Baseco Compound sa Maynila sakaling kailanganing magsagawa ng paglikas at rescue operation.

Higit 200 barangay naman sa Maynila ang pinangangambahang lumubog sa tubig, 121 barangay sa Pasay, 62 sa Quezon City, at 30 sa Makati.

Pinayuhan na ng power distributor na Meralco ang publiko na i-charge ang mga cellphone at cellphone batteries, emergency lights, at flashlights.

Inaasahan ng Meralco na magiging mabigat ang impact ng Tisoy sa kanilang mga pasilidad, ayon sa tagapagsalita ng kompanya na si Joe Zaldarriaga.

Sa kabila nito, tiniyak ng Meralco na naka-general alert sila.

Ibinaba na rin ang mga naglalakihang tarpaulin at billboard sa Metro Manila, na maaaring makapanalasa dahil sa hanging dala ng bagyong Tisoy. Maging ang Christmas tree ng Maynila ay tinakluban na rin.

Itinigil na rin ng PCG ang mga biyaheng dagat na inaasahang sasagasaan ng hagupit ng bagyo.

Nag-abiso na rin ang Civil Aviation Authority of the Philippines na inihahanda na nito ang lahat ng precautionary measure tulad ng airport shutdown sakaling lumagpas sa 170 kilometro kada oras ang lakas ng hanging dala ni Tisoy.

Kanselado na rin ang flights ng Philippine Airline at Cebu Pacific.

Nagkansela na rin ng pasok ang mga paaralan. 

-- Ulat nina Dennis Datu, Mylce Mella, Chiara Zambrano, at Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.