35 sugatan matapos tumagilid ang sinasakyang bus sa Cebu

Joworski Alipon, ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2019 12:51 PM

Tumagilid ang isang mini bus sa Sogod, Cebu nitong Disyembre 2, 2019. Photo courtesy of Sogod Police

SOGOD, Cebu - Sugatan ang 35 katao dito matapos tumagilid ang sinasakyang mini bus nitong Lunes ng madaling araw.

Dinala ang mga sugatang pasahero sa Sogod District Hospital ngunit inilipat din ang mga nabalian ng buto sa Vicente Sotto Memorial Medical Center.

Kuwento ng drayber ng mini bus na si Edgar Atendido, nawalan siya ng kontrol sa preno kaya pinili na lamang niyang ibangga ang bus kaysa mahulog umano ito sa bangin.

Mas nahirapan umano siyang makontrol ang mini bus dahil umuulan at madulas ang kalsada nang mangyari ang aksidente. Kabilang din si Atendido sa mga sugatan.

Galing ng lungsod ng Bogo ang mini bus at papunta sana sa lungsod ng Cebu.

Wala naman naiulat na namatay sa insidente.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.