Kampo nina Satur Ocampo, balak magkaso vs AFP, PNP

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2018 06:52 PM | Updated as of Sep 08 2019 01:38 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Balak ng kampo ni dating Bayan Muna representative Satur Ocampo na kasuhan ang ilang miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) at Philippine National Police (PNP) dahil sa umano ay mga inimbentong kaso laban sa kanila.

Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, gagawa sila ng legal na hakbang laban sa mga may pakana sa mga umano ay gawa-gawang kaso laban kina Ocampo, ACT Teachers party-list Rep. France Castro at 15 iba pa.

"Sa grupong gumawa nito, pinapangako namin na sasampahan din namin kayo ng kaso," sabi ngayong Linggo ni Zarate sa isang press briefing sa Quezon City, na dinaluhan din nina Ocampo at Castro.

Hinuli ng mga awtoridad sa bayan ng Talaingod, Davao del Norte ang grupo nina Ocampo noong gabi ng Miyerkoles dahil sa pagsama nila sa 14 menor de edad nang wala umanong paalam sa mga magulang.

Ikinulong sila sa Talaingod sa mga kasong kidnapping, child abuse at trafficking pero nakalaya rin noong Sabado matapos magbayad ng tig-P80,000 na piyansa.

Nakabayad ng piyansa ang binansagang "Talaingod 18" sa tulong ng mga mambabatas ng Makabayan bloc.

Sa press briefing, nanindigan sina Ocampo at Castro na humanitarian mission ang pakay nila sa Lumad schools sa Davao del Norte.

Magdadala lang daw sila ng mga pagkain at iba pang suplay sa mga batang Lumad sa Salugpungan school dahil may mga grupong paramilitary daw na humaharang sa mga suplay na para sa mga estudyante at guro roon.

"Para po magresponde doon sa nangyayaring food blockade na ginagawa ng militar at iba pang mga harassment," ani Castro.

Ilang beses nilang sinubukan, ani Ocampo, na humingi ng pahintulot mula sa mga lokal na opisyal na pumunta sa naturang paaralan pero wala silang natanggap na tugon.

Noong gabi ng Miyerkoles, nabatid daw ng grupo nina Ocampo na na-padlock ang paaralan at napilitang lumikas ang mga guro at estudyante.

"Nagkaroon ng communication 'yong teachers sa Salugpungan, humihingi sila ng tulong. Nag-quick reaction kami, in-organize 'yong mission na parang rescue or salubungin at i-safety 'yong mga pinalabas na teachers and students," sabi ni Ocampo.

Ayon pa kay Zarate, hindi kailangan ng "parental consent" ng mga batang kasama nina Ocampo dahil kasama ng mga ito ang mga guro nila.

Sinubukan din daw ng mga pulis na suwayin ang utos ng korteng pakawalan ang grupo nina Ocampo, ani Zarate.

Muli namang nanawagan ang grupo sa adminitrasyong Duterte na tigilan na ang karahasan ng AFP at PNP sa mga Lumad school.

--Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.