SOCO: Bank teller, natagpuan ng ama na patay, sunog

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2017 02:49 PM

 

Puno ng pangarap ang 22 anyos na si Mabel Cama para sa sarili at pamilya kaya naman nagsikap siya bilang isang bank teller. 

Ayon sa kaniyang ama na si Reynaldo, malaking tulong ang pagsisikap ng dalaga para sa gastusin ng pamilya.

"Pagdating ng sahod, kung anong kailangan ng kapatid niya, binibigay niya," kuwento ni Reynaldo.

Dahil sa trabaho ni Mabel, madalas anila ito umuwi ng gabi. 

Pero nagtaka na lang ang pamilya ni Mabel noong Nobyembre 10 nang hindi na ito nakauwi sa tinutuluyang bahay sa Pasig kung saan kasama niya ang kapatid.

Kuwento ng kapatid niyang si Noriel Cama, huling nag-text si Mabel noong gabing iyon at sinabing nasa harapan siya ng gate ng kanilang tinutuluyan.

"Nag-text po siya na nasa gate na siya, mga 11:30 [ng gabi]," banggit ni Noriel. "Bale po nung gumising na'ko, mga alas-8 [ng umaga] po siguro."

Nang marinig ang balita, agad na lumuwas mula Quezon si Reynaldo para ipa-blotter ang pagkawala ni Mabel.

"Umabot ako nang halos tatlong oras. Sige, dial ako. Ring lang nang ring ang cellphone. Walang sumasagot. Pagdating ng tanghali, out of coverage na. Eh 'di do'n na 'ko kinabahan. Sabi ko iba na 'to," sabi ni Reynaldo.

Nobyembre 12 na nang matagpuan ni Reynaldo ang kaniyang anak sa loob ng isang compound sa Pasig.

“Paglingon ko [sa loob ng compound], bakit ganyan, eh parang may nasunog na kung anong bagay sa loob [ng gusali],” kuwento ni Reynaldo.

“Paglapit ko, nakita ko paa na. Kalahati nito, nakataob. Do’n na parang pinagbagsakan [ako ng langit],” dagdag niya.

Sunog ang kalahati ng katawan ni Mabel nang matagpuan ito.

"Tanggal ang mga damit sa pang-itaas at basag ang bahagi ng mukha niya," ayon kay Senior Insp. Roberto Garcia, hepe ng Pasig Police Station Investigation Division Management Branch (SIDMB).

"Nakita din do’n sa crime scene ‘yung kaniyang underwear sa tabi no’ng cadaver at saka ‘yung kaniyang cellphone. Nakuha ang fingerprints doon sa cellphone na naiwan doon sa crime scene na kung saan nando'n din ang biktima."

Sundan ang imbestigasyon sa pagpaslang kay Mabel Cama sa 'SOCO: Scene of the Crime Operatives' ngayong Sabado, 4 p.m. pagkatapos ng 'Ipaglaban Mo!' sa ABS-CBN.

Para sa karagdagang detalye, sundan ang 'SOCO' sa Facebook at Twitter.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.