Dating driver ni Albuera mayor Espinosa, patay sa pamamaril

Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2017 07:29 PM

Patay ngayong Biyernes ang dating driver ng napaslang na alkaldeng Rolando Espinosa Sr. sa Barangay Seguinon, bayan ng Albuera, Leyte.

Kinilala ang biktima bilang si Nelson Pepito, kagawad ng Barangay Benolho sa Albuera.

Ayon kay Beatriz Pepito, asawa ng biktima, magkasama sila bandang 6:50 ng umaga at maghahatid sana ng manok sa kanilang mga suki sa Barangay Seguinon.

Bigla umanong pinagbabaril ang kanyang asawa ng dalawang salaring nakasakay sa motorsiklo.

Nagtamo ng 8 tama ng bala sa iba't-ibang bahagi ng kanyang katawan ang biktima.

Kwento ng asawa, sa unang putok ay tinamaan sa tagiliran si Pepito. Nakatakbo siya at saka hinabol ng gunman at pinaputukan ulit hanggang sa mapatay.

Maaari umanong may kinalaman ang Espinosa drug group sa pagkamatay ng biktima, ayon sa pulisya.

Dagdag ng pulisya, dating driver ni Kerwin Espinosa si Pepito, na bumaliktad at pumanig sa gobyerno para isuplong ang ilegal na gawain ng pamilya Espinosa.

Si Pepito ay nagsilbi ring witness noon ni Chief Insp. Jovie Espenido para idiin sa kaso ang alkalde na nasa likod umano ng patayan sa kanilang bayan.

Ayon sa pulisya, nagkakaproblema sila ngayon dahil ayaw makipagtulungan ang pamilya ng biktima. Tumanggi kasi ang asawa ng biktima na maghain ng kaso.

Ayon naman sa misis ng biktima, maliliit pa ang kaniyang apat na anak kaya natatakot umano siyang sila'y madamay sa gusot na pinasok ng kaniyang mister.

Tanggap na rin daw ng pamilya Pepito ang nangyari. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.