ALAMIN: Ano ang pinagdadaanan ng taong may HIV?

Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2017 05:51 PM

Aminado si Yomi Arojado na napabayaan niya ang sarili nang magpositibo sa human immunodeficiency virus (HIV) noong Enero 2012, dahil na rin sa kakulangan sa kaalaman tungkol sa virus at sa sakit na acquired immune deficiency syndrome (AIDS).

"Dala na rin ng pagiging sexually active ko na irresponsible, sabi ko wala akong pakialam kung magka-AIDS man ako... Pero noong naging positive ako, hindi ko alam ang gagawin, akala ko hindi na ako magsu-survive," pagbabahagi ni Arojado.

Nang makaranas ng matinding paghina ng katawan dahil sa mga kumplikasyon na dala ng virus, nagdesisyon si Arojado na pag-aralan ang kaniyang sakit para maalagaan nang mabuti ang sarili.

Ngayon, isa na siyang Department of Health (DOH) certified HIV and AIDS counselor na tumutulong sa ibang mga HIV positive na Pinoy.

Sa datos ng DOH, pumalo na sa halos 2,000 ang naitalang bagong kaso ng HIV sa bansa sa loob lamang ng dalawang buwan ngayong taon.


Bilang ng mga bagong kaso ng HIV sa bansa:

  • Hulyo-Agosto 2017: 1,962
  • Full-blown AIDS: 250
  • Deaths: 118

Ayon sa DOH, hindi biro ang magkaroon ng HIV o AIDS, kung saan inaatake ng virus ang immune system ng tao na siyang nagpo-protekta sa katawan laban sa mga sakit.

Kaya nagpaalala muli ang ahensya tungkol sa kahalagahan ng pagsasailalim sa HIV testing lalo na ang mga maituturing na "at risk" dahil sa kanilang lifestyle.

"Mas delikado ang hindi magpa-test [kaya mas] pinapaigting natin ang information dissemination campaign [kontra HIV/AIDS]," ani Dr. Lyndon Lee-Suy, Assistant Secretary sa DOH.

Dagdag pa ni Lee-Suy, may libreng HIV testing centers sa bawat probinsiya.

Mayroon ding libreng anti-retroviral medicine, at kung kailangan ng moral support ng pasyente, magbibigay pa ang DOH ng counselor para makatulong sa pagbibigay ng lakas ng loob at iba pang kaalaman at suporta habang patuloy siyang nagpapagamot.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.