4 na silid-aralan sa Basilan, nasunog

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2017 05:55 AM

Tinupok ng apoy ang apat na silid-aralan ng Lamitan Central School sa Barangay Maganda, Lamitan City, Basilan Biyernes ng gabi.

Sumiklab ang sunog pasado alas-7:45 ng gabi kung saan nagsimula umano ang apoy sa isang silid-aralan dahil sa naiwang nakabukas na electric fan.

Ayon kay Senior Fire Officer 4 Vincent Saldariega, district fire marshal ng Lamitan, gawa sa light materials ang mga silid-aralan kaya madaling kumalat ang apoy.

Sa loob ng 15 minuto, naapula ng mga bumbero ang apoy. Wala namang naiulat na nasugatan sa insidente.

Patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng BFP upang matukoy ang halaga ng pinsalang iniwan ng sunog sa paaralan. - ulat ni Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.