2 sugatan sa karambola ng 4 na sasakyan sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Dec 02 2017 05:00 PM

Dalawa ang sugatan sa karambola ng apat na sasakyan sa paanan ng Nagtahan Flyover sa Sampaloc, Maynila nitong Sabado ng tanghali. 

Magkakasunod na nagbanggaan ang trak ng basura, Ford Ranger, Toyota Vios, at trailer truck na may kargang softdrinks. 

Nawalan umano ng preno ang trak ng basura kaya inararo nito ang mga nasa unahang pickup at kotse na napagitnaan naman ng nasa unahang trailer truck.

“Itong garbage truck na galing sa Lacson, pababa, nawalan siya ng preno so totally lahat ng sasakyan sa baba, inararo niya nang malakas. So bale ang impact ng sasakyan [ay] tumama doon sa Ford Ranger, tapos tinamaan ‘yung Vios, at tumama din doon sa 22-wheeler,” ayon kay Police Officer 1 Jessie Ruallo ng Manila Police District.

Nasugatan at dinala sa University of Santo Tomas Hospital ang driver ng Vios habang bahagya ring nasaktan at na-trauma ang driver ng Ranger.

Hindi naman nasaktan ang driver ng trailer truck.

Wasak na wasak din ang pickup at kotse.

Nagkarambola ang apat na sasakyan sa Nagtahan Flyover sa Maynila nitong Sabado. Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Sumama naman sa mga pulis para sa imbestigasyon ang driver ng trak ng basura na si Dominador Tuplano. 

Naitabi na sa kalye ang mga nasangkot na sasakyan pero nagdulot ito ng matinding pagsisikip ng daloy ng trapiko sa Mabini Bridge o Nagtahan Bridge, Nagtahan Flyover, at Ramon Magsaysay Boulevard.

-- Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.