PatrolPH

Presyo ng LPG, auto-LPG tumaas sa umpisa ng Disyembre

ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2022 12:34 PM | Updated as of Dec 01 2022 07:57 PM

LPG gas outlet sa Sta. Ana, Maynila noong Mayo 31, 2019. George Calvelo, ABS-CBN News/File
LPG gas outlet sa Sta. Ana, Maynila noong Mayo 31, 2019. George Calvelo, ABS-CBN News/File

(UPDATE) Tumaas ang presyo ng liquefied petroleum gas (LPG) at auto-LPG ngayong Huwebes, unang araw ng Disyembre.

Nasa P2.25 kada kilo ang taas-presyo ng Petron at Phoenix sa LPG habang P2.27 naman ang sa Solane.

Tataas naman nang P1.26 ang kada litro ng auto-LPG sa Petron habang P1.25 sa Phoenix.

Ang dagdag-presyo ay bunsod ng pagtaas ng international contract price ng LPG sa buwan ng Disyembre.

Samantala, namumuro namang masundan ang rollback sa presyo ng diesel, gasolina at kerosene sa susunod na linggo.

Sa unang 3 araw kasi ng trading sa world market, bumaba ang presyo ng imported na petrolyo.

Kung magkataon, iyon ang magiging ika-7 sunod na linggong may rollback sa diesel at kerosene at ika-3 naman sa gasolina.

Watch more News on iWantTFC

KURYENTE

Tinawag namang "economic sabotage" ng ilang grupo ang temporary restraining order ng Court of Appeals na kontra sa naunang desisyon ng Energy Regulatory Commission na huwag ipasa sa mga konsumer ang dagdag-singil sa kuryente bunsod ng pagmahal ng fuel ng 2 planta ng San Miguel Corp.

Sumulat din ang mga grupo kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para hikayatin na suportahan ang paglipat ng bansa sa renewable sources of energy.

Kinuwestiyon ng grupo kung mahal na kuryente ba ang pamasko ni Marcos sa sambayanang Pilipino.

"Nanawagan kami kay Pangulong Marcos na patunayan niya na maayos na buhay ang ibibigay niya sa Pilipino," ani Flora Santos, pangulo ng women's group na Oriang.

Bago magtanghali ngayong Huwebes, biglang nag-anunsiyo ang National Grid Corp. of the Philippines na may yellow alert mula ala-1 ng hapon hanggang alas-8 ng gabi dahil 5 planta na naman ang pumalya.

Pero gaya ng nangyari noong Lunes, binawi rin ito na walang insidente ng brownout.

— Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.