PatrolPH

Traffic sumalubong sa unang araw ng pagpapatupad ng coding habang pandemya

ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2021 07:41 PM

Watch more on iWantTFC

MAYNILA - Masikip ang daloy ng trapiko sa unang araw ng pagbabalik ng number coding sa EDSA habang pandemya. 

Ibinalik ang number coding sa EDSA ngayong Disyembre 1 para isaalang-alang ang holiday rush at mas mababang alert level sa Metro Manila. Alas-5 hanggang alas-8 ng gabi ang number coding. 

Bago mag-alas-5 ng hapon ng Miyerkoles ay slow-moving na ang mga sasakyan sa EDSA Northbound. 

Hindi naman ganoon kabigat ang trapiko sa southbound area ng EDSA. 

May mga sasakyang naabutan na ng coding dahil sa bigat ng trapiko at natiketan. 

Giit naman ng ilan, hindi nila alam na umarangkada na ang coding. 

Pero sabi ng MMDA, hindi sila nagkulang sa pagbibigay-kaalaman na ibabalik na ang coding scheme. 

Bukod dito, nasabayan pa ng mga aksidente sa daan ang pagpapatupad muli ng number coding. 

Watch more on iWantTFC

Walang exempted maliban sa transport network utility services at magde-deliver ng essential goods. 

Pero hindi na muna ganoon ka-estrikto ang paninita sa unang araw ng pagbabalik ng number coding dahil sa mga serye ng aksidente. 

"Kaya nga tayo nagko-coding para lumuwag ang traffic. Ngayon, kung paparahin namin lahat 'yan, magta-traffic talaga, makakadagdag pa kami. Pero ang CCTV namin para sa no contact apprehension, gumagana pa rin kaya mahuhuli pa rin kayo," ani MMDA Traffic Engineering Office Director Noemie Recio. 

Sa ngayon, dumidiskarte na muna ang traffic enforcers sa paninita at pagtingin kung exempted sa coding ang ilang motorista, gaya ng mga nagmamaneho ng Transport Network Vehicle Service (TNVS) gaya ng Grab. 

Multa at tiket ang haharapin ng mga lumalabag sa number coding. 

-- May mga ulat nina Wheng Hidalgo at Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.