PatrolPH

Mas mababa sa 500 average COVID cases asahan sa Pasko— OCTA

ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2021 01:55 PM

Ine-enjoy ng ilan ang mga Christmas attraction sa Quezon City hall sa Quezon City, sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File
Ine-enjoy ng ilan ang mga Christmas attraction sa Quezon City hall sa Quezon City, sa kasagsagan ng COVID-19 pandemic. Jonathan Cellona, ABS-CBN News/File

Ilang eksperto iginiit na di pa napapanahon ang Alert Level 1 

MAYNILA— Umaasa ang grupong OCTA Research na mas mababa sa 500 ang maitatalang kaso ng COVID-19 kada araw pagdating ng Pasko, at 100 na lang ang manggagaling sa Metro Manila.

Ayon sa grupo, nasa 700 na ang average cases na naitatala nitong nagdaang 7 araw. 

Bumaba na rin sa 150 ang 7-day average sa Metro Manila, at ilang lokal na pamahalaan na ang wala na o pailan-ilan na lang ang kaso ng COVID-19. 

Watch more on iWantTFC

Ayon kay OCTA Research fellow Dr. Guido David, nakatulong sa pagbaba ng kaso ang dami ng suplay at dagsa ng mga nagpabakuna. 

Kung wala aniyang banta ng Omicron, maaari nang ibaba sa Alert Level 1 ang ilang lugar. Pero paalala niya na dapat sundin ang minimum public health standards. 

"Siyempre mahalaga ang patuloy na pagsunod natin sa minimum public health protocols kasi nakita naman natin sa ibang lugar tulad sa Europe, 'pag inalis ang face mask mandate, nagkakaroon pa rin ng pagtaas ng kaso," ani David. 

Una nang nabanggit ng Private Hospitals Association of the Philippines (PHAPI) na posibleng hindi kayanin ng mga pribadong ospital oras na dumami ang mga pasyente ng COVID-19 bunsod ng Omicron variant, dahil sa dami ng mga nurse na nag-resign. 

Sa ngayon ay tinututukan nila ang pag-train at pag-recruit ng medical staff gaya ng nursing attendant at nursing aides para maturuan sila ng dagdag na skills sa ilang trabahong ginagawa ng mga lisensiyadong nurse. 

Ayon kay PHAPI president Jose Rene De Grano, bagama't mababa na ang COVID-19 cases ay marami pa rin ang naka-confine sa mga ospital kaya hindi pa rin dapat maging kampante. 

Di rin dapat aniya ibaba ang NCR at iba pang rehiyon sa Alert Level 1 at itinutulak niyang palawigin pa ang quarantine period.

RELATED VIDEO: 

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.