Tinawag ngayong Miyerkoles na "unfair" o hindi patas ni Health Secretary Francisco Duque III ang panibagong COVID-19 resilience ranking ng Bloomberg, kung saan muling kulelat ang Pilipinas.
Sa ikatlong sunod na buwan, panghuli pa rin ang Pilipinas sa listahan ng 53 bansa, kahit pa bumaba na ang bilang ng mga kaso ng COVID-19.
Kasama ng Pilipinas sa dulo ng listahan ang iba pang bansa sa Southeast Asia: ang Indonesia, Malaysia, Thailand at Vietnam.
Nakabase ang ranking sa 12 indicator tulad ng pag-contain sa virus, kaledad ng health care, vaccination coverage at pagluluwag ng mga biyahe.
"They sliced it off just when the Philippines was going to be the last. There are 200 nations in the world. Hindi ba naman kalokohan 'yan?" ani Duque.
"I really don’t understand that in so far as the COVID response is, maganda 'yong COVID response," aniya.
Ayon naman kay Cabinet Secretary Karlo Nograles, na nagsisilbing acting spokesperson ng Palasyo, hindi gaanong tinitingnan sa ranking ang konteksto ng COVID-19 sa bawat bansa, na anila'y mahalaga para maging objective ang pagsusuri sa paraan ng pagresponde sa pandemya.
Para naman kay vaccine czar Carlito Galvez, dapat pag-isipan ulit ng Bloomberg ang parameters na ginagamit sa ranking.
"I think there is an error," aniya.
Ngayong Miyerkoles, nakapagtala ang Pilipinas ng 500 na dagdag na kaso ng COVID-19 para sa kabuuang 2,833,038 kumpirmadong kaso, kung saan 15,327 ang active cases.
Omicron variant
Samantala, inihayag naman ng World Health Organization (WHO) na hindi mapipigilan ng mga travel ban na ipinatutupad ng iba-ibang bansa ang pagkalat ng Omicron variant ng COVID-19.
Nagiging pabigat lang umano ito sa buhay at kabuhayan.
Nagpaalala ang WHO sa mga biyahero na maging maagap at bantayan ang sarili sa ano mang sintomas na maaaring maranasan.
Inaabisuhan naman ang mga taong may sakit, at mga hindi pa nababakunahan o nagkaka-COVID-19 na ipagpaliban muna ang pagbiyahe sa mga lugar na may community transmission ng Omicron.
Nanawagan din si World Health Organization Director General Tedros Ghebreyesus sa mga bansa na magpatupad ng mga hakbang na nakabase sa ebidensiya, at lalong paigtingin ang public health measures at pagbabakuna sa mga high-risk individual.
Ito mismo ang ginagawa ng United Kingdom ngayon, kung saan balik sa pagsusuot ng face mask ang mga tao sa pamilihan maging sa mga secondary school sa England.
Inanunsiyo rin ni British Prime Minister Boris Johnson na lahat ng edad 18 pataas ay puwede nang makatanggap ng booster shots.
Sa France, muling ipatutupad ang pagsusuot ng face mask sa mga matataong lugar gaya ng simbahan, tourist spots, at pampublikong transportasyon.
— Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News
RELATED VIDEO
Bisitahin ang
Patrol.PH para sa iba pang mga balita.