Mga awtoridad sa QC, may agam-agam sa pagbaba ng edad ng mga maaaring mag-mall

Wheng Hidalgo, ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2020 08:53 PM

MAYNILA - Nagpahayag ng agam-agam ang bagong talagang hepe ng Quezon City Police District na si Police Brig. Gen. Danilo Macerin sa pagbaba ng edad ng mga maaaring pumunta sa mga mall.

Ayon kay Macerin, tutol siya sa bagong guidelines na inilabas ng IATF kung saan pinapayagan nang lumabas ang mga bata na 15 taong pababa basta kasama ang mga magulang.

Sa ilalim daw kasi ng GCQ protocol hindi pa talaga dapat lumabas ang mga menor de edad base na rin sa consensus ng mayorya ng mga alkalde sa Metro Manila.

Wala pa rin naman umanong bakuna kaya kung siya ang tatanungin ay hindi niya suportado ang bagong polisiyang ito.

Nakikiusap na lamang siya sa mga magulang na maging responsable dahil kalusugan ng pamilya ang nakasalalay dito.

Nangangamba rin si Mayor Joy Belmonte dahil sa panibagong guidelines.

Bagama't naiintindihan niyang gusto lang ng Inter-Agency Task Force na makatulong sa ekonomiya, iniiwasan naman ng alkalde ang pagdami ng kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Nasa 990,000 ang bilang ng mga menor de edad na 17 years old pababa ang QC kaya nakakatakot umanong papayagan na makalabas ang mga menor de edad.

Hindi rin umano nagkaroon ng konsultasyon ang panibagong guideline na ito, at kung papakinggan lang siya, imumungkahi nyang gradual ang implementasyon at hindi biglaan.

Nakikiusap na lang siya sa pamunuan ng mga establisyemento na maging strikto sa pagpapatupad ang minimun health standards.

Dadagdagan na lang nila ang mga taong magbabantay pa sa mga pampublikong lugar para matiyak na nasusunod ang health protocols.

Nakiusap din sya sa mga magulang na maging responsable sila at huwag pabayaang lumabas ang mga anak na hindi sila kasama at dapat lamang pumunta sa mall para sa mga essential reason.

Gustuhin man nilang magkaroon ng sariling restrictions sa lungsod, hindi naman sila basta papayagan dahil pare-pareho ang polisya ng Metro Manila LGUs.

Dahil din sa sakripisyo ng frontliners gaya ng mga pulis, patuloy na nababawasan ang bilang ng mga nagkasakit kaya hindi na dapat tumaas uli ito.

Samantala, ibinida rin ni Belmonte ang pagiging ligtas at drug-free ng QC.

Nakaalalay ang lokal na pamahalaan sa anti-drug campaign na sinasabayan ng drug treatment at recovery program para sa ikabubuti ng lungsod.

Ipinagmalaki rin nya na bumaba ang crime rate sa Quezon City.

Ito ay nasa 1,445 mula March hanggang November ngayong taon kumpara sa 2,385 sa kaparehong panahon noong 2019.

Hiniling ni Belmonte na suportahan ni Macerin ang adbokasiya niya laban sa karahasan sa kababaihan at mga bata. 

Dapat umanong protektahan ang mga babae at mga bata sa Quezon City.

Nangako naman si Macerin na paiigtingin pa niya ang police visibility para makontrol ang krimen at ang pagkalat ng COVID-19 kaya nakiusap sya ng pakikiisa ng komunidad.