2 menor de edad nasaksak sa rambulan sa Tondo

Lady Vicencio, ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2020 05:39 AM

MAYNILA - Dalawang menor de edad ang nasugatan sa isang rambulan ng dalawang grupo sa Barangay 231C sa Tondo, Maynila nitong Martes ng madaling araw.

Naglalakad na pauwi ang apat na kabataan sa Yuseco Cor. Jose Abad Santos Avenue bandang alas-tres at pasakay na sana sila sa tricycle nang lapitan sila ng isa pang grupo. 

Ayon sa mga biktima, bigla na lang silang binugbog ng grupo ng mga babae.

Isa sa kanila ay may dalang patalim at sinaksak ang isang 16-anyos na miyembro ng LGBT pati ang tricycle driver na nasa parehong edad.

Itinakbo sa ospital ang mga menor de edad na nagtamo ng mga saksak sa iba-ibang bahagi ng katawan.

Ayon sa chairwoman ng Barangay 231 na si Rosanna Garcia, taga-Antipolo Street ang suspek ma nanaksak sa mga biktima.

Arestado naman ang 23-anyos na lalaking kasama sa mga nanggulpi.

Aawat lang sana siya ayon sa suspek pero aminado niyang nanapak ng isa sa mga biktima nang makitang sinasaktan ang kapatid niyang suspek din sa panggugulpi.

Apat na babaeng suspek pa ang hinahanap ngayon ng mga pulis.

Iniimbestigahan din ang motibo at posibleng dahilan ng rambulan.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.