14 bahay sa San Mateo, Rizal nasunog; 2 sugatan

Jervis Manahan, ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2020 05:48 AM

SAN MATEO, Rizal - Nasa 14 pamilya mula sa Brgy. Guinayang sa San Mateo, Rizal ang nawalan ng bahay nitong Lunes.

Pasado alas 8 ng gabi nang sumiklab ang apoy sa mga kabahayan sa General Luna St.

Unang rumesponde ang call center agent na si Donato Umali na papasok na sana noon. Binasa niya ang bahay nila para di na madamay sa sunog sa kanilang kapitbahay.

Nalapnos ang kanyang braso pero di siya natinag sa pagtulong sa pag-apula ng apoy.

Kasama rin sa mga rumesponde si Marlon Ramos, na dating tumira doon. Mga kamag-anak niya ang nasunugan.

Kita sa kaniyang mga cellphone video na umakyat sa bubong ang mga tao para magsalba ng gamit.

Nasa 14 na bahay ang nasunog.

Pasado alas 10 nang makontrol ang apoy.

Inaalam pa ang sanhi nito.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.