P5-M halaga ng 'shabu' nakumpiska, 6 arestado sa Pasay

ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2019 04:35 PM | Updated as of Dec 02 2019 09:00 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Aabot sa P5 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nakuha ng mga awtoridad sa isang anti-illegal drug operation sa Pasay City ngayong hapon ng Linggo, kung saan 6 na suspek ang naaresto.

Matapos magsagawa ng surveillance, nagkasa ng operasyon ang Drug Enforcement Unit ng Pasay police laban sa suspek na si alyas "Nasrip," ayon kay Maj. Jaybee Bayani ng Southern Police District (SPD) Public Information Office.

Nahuli si "Nasrip" at 5 iba pang suspek sa may Diokno Boulevard, Barangay 76 bandang 2:30 ng hapon, ayon sa ulat ng SPD.

Nakuha sa mga suspek ang 11 sachet ng hinihinalang shabu, 3 plastic bottle na may lamang mga tableta, at digital weighing scale.

Tinatayang nasa 800 gramo ang timbang ng pinaniniwalaang shabu at nagkakahalagang P5.4 milyon.

Ibibigay sa SPD Crime Laboratory ang hinihinalang droga para dumaan sa chemical analysis.

Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.