Kotse nakaladkad ng PNR train sa Laguna; babae patay

ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2019 02:30 PM

Napatay ang isang babae matapos mabangga at makaladkad ng tren ng Philippine National Railways (PNR) ang sinasakyan nilang kotse sa Biñan, Laguna noong gabi ng Sabado.

Nakasakay ng Toyota Altis sina Joel Pablo, 28 and Mary Anne Valenzuela, 21, at patawid ng Halang crossing ng PNR nang mabangga ng tren ang kanilang kotse, ayon sa ulat ng Biñan police.

Inabot ng 7 oras bago maalis sa sasakyan ang katawan nina Valenzuela, na idineklarang dead on arrival sa ospital, at Pablo, na nananatili pa rin sa ospital matapos magtamo ng mga injury. 

"Hindi napansin siguro ng driver, nag-uusap siguro sila, na approaching ito (train)," ani Lt. Col. Danilo Mendoza, hepe ng Biñan police.

Nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in homicide and serious physical injuries sina Ryan Arias at Jay Constantino, ang mga driver ng tren.

Iginiit naman ni PNR Operations Manager Joseline Geronimo na may cross keeper na naka-duty nang mangyari ang insidente pero pinilit daw ng mga biktima na tawirin ang riles kahit may warning signal na mula sa PNR train.

Nakatadang isailalim sa rehabilitation ang Halang crossing, na tatayuan ng mga fence at karagdagang signage, ani Geronimo.

Tiniyak ng pamunuan ng PNR na tutulungan nila ang mga pamilya ng mga biktima. -- Ulat ni Angel Movido, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.