Snatcher, kinuyog sa Parañaque

Anjo Bagaoisan, ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2017 05:32 AM

Arestado ang isang karpintero matapos umano niyang hablutin ang cellphone ng isang pasahero ng jeep sa Baclaran, Parañaque Huwebes ng gabi.

Namaga ang mukha ni Benjamin Bautista, 39-anyos, matapos siyang kuyugin ng taumbayan na humabol sa kanya.

Kwento ng biktimang si alyas Kate, nakaupo siya malapit sa pintuan ng jeep nang biglang inagaw ng suspek ang kanyang cellphone.

Hinabol ni Kate ang suspek kung saan nakihabol na rin ang ilang mga tambay doon. 

Nang maabutan nila si Bautista, pinagsusuntok ito ng taumbayan.

Nahabol man nila ang suspek, hindi narekober ni Kate ang ninakaw na cellphone dahil naitapon umano ni Bautista dahil sa takot noong hinahabol siya.

Mahaharap sa kasong theft ang suspek na nakulong na rin noong 2011 dahil din sa pagnanakaw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.