Pagkuha ng Grab, Uber, 'pahirapan' na

ABS-CBN News

Posted at Dec 01 2017 09:43 PM

Watch more in iWantv or TFC.tv

Pahirapan na ang pag-book sa mga transport network vehicle service gaya ng Grab at Uber at madalas na rin ang surge sa pamasahe lalo na ngayong pumasok ang Disyembre.
    
Ayon sa Grab Philippines, umakyat na sa 45 mula sa 38 minuto ang average travel time ng mga transport network vehicle service bago makakumpleto ng isang trip o biyahe sa Metro Manila.

Dahil dito, mas matagal bago masundo ang susunod na pasahero.

Dagdag pa ng Grab, tumaas na rin ng 30% ang demand kaya posibleng makaranas pa ng ibang problema ang mga pasahero.

“Minsan wala talagang kotse so mag-book sila, wala. So they may have to adjust their travel schedules a bit. Prices may go up,” ayon kay Brian Cu, country head ng Grab Philippines. 

Humingi na rin ng paumanhin ang Uber sa mga pasahero sakaling makaranas ng mas matagal na waiting time.

“Due to the restricted supply of vehicles and drivers on the platform, it will likely be more difficult to book a ride. Wait times could also be longer because of the traffic situation and limited supply,” pahayag ng Uber.

Mas mainam din anila na bumiyahe kapag off-peak hours.

“If you have the flexibility, we encourage riders to travel during off-peak hours such as late morning and in the early afternoon.”

Samantala pinayuhan ng Grab ang publiko na gumamit ng carpooling feature na Grab Share para makatulong na hindi magkaubusan ng sasakyan. 

Binuksan na rin ng Grab Philippines ngayong Biyernes ang isang 24/7 customer support center na layong tugunan ang tanong at reklamo ng mga pasahero maging ng kanilang mga driver.

Tiniyak naman ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board na babantayan din nila ang transport network companies lalo na sa pagpapatupad ng cap sa "surge" sa pamasahe na dapat ay hanggang “times two” lang o doble ang pinakamataas. 

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.