TFC News

Dubai Duty Free muling tatanggapin ang 600 OFWs

Jerome Fadriquela | TFC News

Posted at Nov 30 2021 07:20 PM

MANILA - Mahigit 600 OFW na dating nagtatrabaho sa Dubai Duty Free shop ang muling tatanggapin ng nasabing kumpanya, ito ang pahayag ni Labor Attaché John Rio Bautista ng Philippine Overseas Labor Office (POLO) sa Dubai.

“Sa panahon ng pandemya, kinailangang tanggalin ng Dubai Duty Free ang ilang manggagawa nila. Ngunit sa muling pagbangon ng ekonomiya dito, nakipag-ugnayan sa amin ang management at nagbigay kami ng espesyal na pangangasiwa para rito. Mahigit 600 manggagawang Pilipino ang muling babalik, at maganda ang kanilang sahod. Kada linggo ay nagpo-proseso kami ng hindi bababa sa 100 kontrata para sa mga OFW na muling tatanggapin,” pahayag ni Bautista sa ginanap na virtual briefing kamakailan.

Nagpahayag din ang Dubai employers sa health sector ng interes na kumuha ng Filipino health professionals.

May mahigit ring 8,000 job orders para sa household service workers (HSWs) ang sinusuri ngayon ng POLO mula pa noong Abril at nasa humigit-kumulang 7,000 HSWs na ang dumating sa Dubai.

“Naging maganda ang inisyal na implementasyon ng memorandum of understanding sa pagitan ng Pilipinas at UAE. Ang mga benepisyo para sa mga HSW, ayon sa tagubilin ni Pangulong Duterte ay nakasaad sa komprehensibong kontrata sa empleyo. Halimbawa, ang pagbibigay ng minimum na sahod na nagkakahalaga ng 1,500 Dirhams,” saad ni Bautista.

Samantala, sa paglagay sa UAE sa ‘green list’ travel restriction na ipinatutupad ng Pilipinas, inaasahan ng POLO-Dubai ang pagtaas ng bilang ng mga OFW na nagnanais na umuwi ng bansa ngayong Pasko.

Sinabi ni Bautista na prinoproseso ng POLO ang dokumento ng may 200 OFW kada araw na pauwi ng Pilipinas.

“Sa pang-araw-araw na batayan, nagpoproseso kami ng pagsusuri para sa 200 kontrata. Hiwalay pa ito sa Balik-Manggagawa o iyong babalik sa parehong amo. Hindi na nila kailangang pumunta ng personal sa POLO para sa suriin ng kanilang kontrata. Kinakailangan lang nilang bisitahin ang POEA online portal,” dagdag ni Bautista.

Para sa mga nagbabagang mga balita tungkol sa ating mga kababayan sa UAE, tumutok sa TFC News sa TV Patrol.