Pulis patay sa banggaan ng pickup truck, SUV sa South Cotabato

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2020 11:29 AM

Nagsalpukan ang isang pickup truck at SUV sa bayan ng Tupi, South Cotabato noong Nobyembre 29, 2020. Screengrab mula sa video ni Chat Ansagay

Patay ang isang pulis habang 2 ang sugatan sa banggaan ng isang pickup truck at SUV sa Tupi, South Cotabato hapon ng Linggo sa gitna ng malakas na buhos ng ulan.

Kinilala ang nasawi bilang si Corp. Rolisher Gamueta, 40, at nakadestino sa South Cotabato First Provincial Mobile Force Company. 

Batay sa report ng Tupi Municipal Police Station, minamaneho ni Gamueta ang isang pickup truck nang mag-swerve umano ito sa kabilang lane. Sakto namang may kasalubong na itong isang SUV kung saan nakasakay ang isang negosyante.

Sumalpok ang pickup truck sa SUV, napunta sa gilid ng kalsada at tumagilid. 

Isinugod pa sa ospital si Gamueta pero binawian din ng buhay habang ginagamot.

Nasa maayos namang kalagayan ang driver ng SUV at ang sakay nito.

Muling nagpaalala ang mga awtoridad na mag doble-ingat sa pagmamaneho, lalo kapag umuulan.

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC

-- Ulat ni Chat Ansagay

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.