PatrolPH

Militar pinabulaanan na ginawang 'tropeo' ang pagkamatay ng anak ni Rep. Cullamat

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2020 03:26 PM

SURIGAO DEL SUR - Pinabulaanan ng 3rd Special Forces Battalion ng Philippine Army ang naging pahayag ni Bayan Muna party-list Rep. Eufemia Cullamat na ginawa umanong tropeo ng militar ang bangkay ng kaniyang anak.

Sa pahayag ni 3rd Special Forces CMO Officer 1st Lt. Krisjuper Andreo Punsalan, sinabi nitong hindi nila gawain at wala sa kanilang doktrina ang pambababoy sa isang bangkay.

"Hindi po natin gawain iyan. In fact po, wala po sa ating doktrina na babuyin ang isang katawan ng isang namayapa na tao dahil sinusunod po natin ang tamang rules of engagement at International Humanitarian Law po at compliant po tayo diyan," aniya.

Naniniwala si Punsalan na wala silang nilabag sa pag-post ng larawan ng namatay na si Jevilyn Cullamat.

"Ito po ang totoo, na ang picture na iyon ay ipinapakita na substantial evidence na may nangyaring legitimate encounter, na may narekober tayong mga firearms, at nakita po nila na may existing po na NPA, na ganoon kadami. Very armed and dangerous po ang kanilang mga armas, na puwedeng makapag-endanger sa buhay ng tao na nandoon sa community," paliwanag niya.

Tumagal nang 45 minuto ang engkuwentro sa pagitan ng mga sundalo at tinatayang 30 miyembro ng New People's Army (NPA) noong Sabado sa Barangay San Isidro sa bayan ng Marihatag.

Ayon sa militar, nakatanggap sila ng impormasyon mula sa indigenous peoples (IP) community sa lugar ukol sa presensiya ng NPA.

Natatakot umano ang mga residente na baka magsagawa na naman ng IP killing ang NPA. Matapos makumpirma ang impormasyon at matumbok ang tamang lokasyon, agad nagsagawa ng operasyon ang militar.

Ang nasawing anak ni Cullamat na si Jevilyn, alyas
Ka Reb, ay 22 anyos. Ayon sa impormasyon na nakuha ng militar mula sa isang kapatid ni Jevilyn, 3 hanggang 5 taon na nilang hindi ito nakita, at akala nila ay nag-aaral ito sa Maynila at ga-graduate na ngayong taon. Hindi raw nila akalaing pumasok ito sa rebeldeng grupo.

Ayon kay Punsalan, kasa-kasama nila sa community support program ng militar ang mga kapatid ni Jevilyn, kaya nasorpresa sila sa pagsali nito sa NPA.

Naibaba na kahapon ang bangkay ni Jevilyn at nai-turn over na rin sa pamilya Cullamat. Bukod sa transportation assistance, nagbigay rin daw ng tulong ang militar sa pamilya para sa burol, at karagdagang financial at food assistance.

Sa isang pahayag gabi ng Linggo, tinawag ni Rep. Cullamat na pagpaslang ang ginawa sa kaniyang bunsong anak "na nagmahal sa bayan."

"Mariin kong kinokondena ang ginawang pambabastos at pambababoy sa labi ng aking anak. Hindi siya bagay, hindi siya isang tropeo na ipaparada para lamang sa propaganda ng militar," sabi ng mambabatas.

"Hindi niyo na ginalang ang patay, binabastos pa ninyo ang nagluluksa naming pamilya. Hinihiling ko sa militar na huwag gamiting tropeo ang bangkay ng aking anak. Hayaan ninyo ang aming pamilya na makapagluksa at makapagbigay ng parangal sa kabayanihan niya," dagdag niya.

Para kay Cullamat, hindi simpleng bagay ang pagsali ng anak sa armadong pakikibaka at ang desisyon niyang ito ay "bunga na rin ng pang-aabusong dinanas naming mga Lumad at ang matinding kahirapan na nasaksihan niya."

"Nakita ng kanyang dalawang mata kung paano pinaslang ng mga paramilitary ang aming mga lider na si Dionel Campos, Datu Bello Sinzo, at Executive Director ng ALCADEV na si Emerito Samarca noong September 1, 2015."

"Bagamat bilang isang ina ay nag-alala rin ako at masakit ang mawalan ng isang anak, nanaig pa rin ang respeto ko sa naging desisyon ni Jev," sabi ni Cullamat.

"Ipinagmamalaki ko si Jevilyn dahil lumaban siya sa isang sistemang mapang-api, lalo na sa aming mga Lumad. Walang nanay na magtatakwil sa anak na nagsantabi ng pansariling interes at nag-alay ng kanyang buhay para sa bayan at para sa pagdepensa sa aming lupang ninuno," dagdag niya.

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC

- may ulat ni Lorilly Charmane Awitan at RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.