114 pamilya na lumikas mula Tuguegarao nananatili pa rin sa evacuation center

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2020 04:42 PM

Muling binaha ang ilang bahagi ng Tuguegarao City nitong Nobyembre 29, 2020, matapos ang patuloy na pag-ulan mula Huwebes. Retrato mula kay Raymon Dullana

Nananatili sa evacuation center hanggang ngayong Lunes ang nasa 114 pamilya o 421 indibidwal na lumikas sa kani-kanilang bahay sa Tuguegarao City, Cagayan noong weekend dahil sa muling pagbaha, mahigit 2 linggo matapos ang paghambalos ng bagyong Ulysses. 

Ang 114 pamilya ay kabilang sa 338 pamilya na lumikas mula Barangays Annafunan East, Linao East, Centro 1, Centro 10, at Centro 11 dahil sa muling pagbaha kasunod ng walang tigil na pag-ulan buhat noong Huwebes.

Ayon sa Office of the Civil Defense-Cagayan Valley Region, nagsibalikan na ang ibang residente sa kanilang mga bahay matapos humupa ang baha.

Pero may ilang hindi pa pinapayagan ng city government dahil sa peligro ng pag-apaw ng ilog.

Nitong ala-1 ng hapon, nasa 8.81 meters alert level pa rin ang Cagayan River sa metering station nito sa Buntun Bridge.

Pero bumaba na ito kumpara sa 9.71 meters, na ilang metro na lang ang agwat sa critical level na 12 meters, noong Linggo ng gabi.

Pinag-iingat ang mga residente at inabisuhang agad nang lumikas para maiwasan ang sakuna.

Maaari rin umano silang makipag-ugnayan sa mga sumusunod na numero: 

Command Center
• 09168872897
• 09563477979
• 0956-347-7981

Rescue 1111
• 09066229924 
• (078) 373-0614

PNP Tuguegarao
• 09058005118
• (078) 396-1970

TCTMG
• 09265378090
• (078) 304-1619

BFP Tuguegarao
• 09178113474
• (078) 375-4129

Samantala, nakabalik naman ngayong araw sa kani-kanilang mga bahay ang mga residenteng lumikas dahil din sa pagbaha sa ilang bayan ng Isabela, kabilang ang Benito Soliven, Alicia, Cabatuan, San Mateo, Luna, at San Isidro.

Isang pamilya sa Saguday, Quirino ang lumikas rin dahil sa pagbaha, pero nakabalik na rin sa kanilang bahay.

Ayon sa OCD, dahil umano sa pag-apaw ng mga irigasyon at sapa bunsod pa rin ng pag-ulan ang sanhi ng panibagong pagbaha.

Wala naman umanong direktang epekto dito ang pinakakawalang tubig ng Magat Dam simula noong Biyernes.

Ngayong ala-1 ng hapon, isang spillway gate na lang ang bukas kung saan pinakakawalan ang nasa 398 cubic meter per second o katumbas ng 1,990 drums ng tubig.

— Ulat ni Harris Julio

Watch more in iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.