Catanduanes, naghahanda na sa paparating na bagyong Tisoy

Dennis Datu, ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2019 04:32 PM

Puspusan na ang paghahanda ng mga lokal na opisyal ng Catanduanes sa paparating na bagyong Kammuri o Tisoy kapag pumasok na ito sa Philippine area of responsibility.

Catanduanes ang unang hahagupitin ng bagyo kaya Biyernes pa lamang naghanda na ang mga awtoridad.

May nakahanda na ring rescue vehicle at equipment at 24/7 na rin ang operasyon ng provincial at municipal disaster risk reduction and management office.

Nakaalerto na rin ang mga ospital at nagsimula na ang repacking at distribution ng relief goods para ipamahagi sa 11 bayan ng Catanduanes na may populasyon na higit 200,000 katao.

Ayon kay acting Gov. Shirley Abundo, simula sa Lunes ay wala nang pasok ang mga eskuwelahan hangga’t di gumaganda ang panahon. Maging mga tanggapan ng gobyerno suspended na rin ang pasok maliban sa frontline services na kakailanganin ngayong may bagyo.

Ipatutupad din simula sa Lunes ang liquor ban at inutos na rin ni Abundo na magsagawa na ng preemptive evacuation sa mga residenteng nakatira sa danger zone.

Naghahanda na rin ang mga residente, at ilan sa kanila ang naglalagay na ng harang na plywood sa mga bintana ng kanilang mga bahay.

Sa ngayon ay mainit pa ang panahon sa Catanduanes pero ramdam ang takot ng mga residente lalo’t Pasko noong taon 2016 ay sinalanta sila ng bagyong Nina na ikinasawi ng marami.