Camarines Sur, isinailalim sa red alert status dulot ng Bagyong Tisoy

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2019 11:24 PM

Pansamantalang ipinagbawal ang paglalayag ng mga maliliit na bangka sa mga coastal areas ng Camarines Sur dulot sa inaasahang pananalasa ng Bagyong Tisoy sa rehiyon sa darating na mga araw.

PILI, Camarines Sur – Isinailalim ang Camarines Sur sa "red alert status nitong Sabado dahil sa paparating na Bagyong Tisoy. 

In-obliga ni Gov. Migz Villafuerte ang mga lokal na pamahalaan sa probinsya na i-activate ang kanilang mga emergency operations center at incident management teams sa inaasahang pananalasa ni Tisoy.

Pansamantalang ipinagbawal ang paglalayag ng mga maliliit na bangka sa mga coastal areas ng Camarines Sur.

Sinuspinde na ang mga pasok sa lahat ng antas ng mga paaralan sa probinsya para sa Lunes.

Nitong Sabado, buong maghapon mainit sa Camarines Sur kaya sinamantala na ng ilang mga residente na ihanda ang kanilang mga bahay.

Sa bayan ng San Jose, ilang mga bahay ang nilagyan ng takip na mga trapal.

May ilang residente ang kumuha ng buhangin sa baybayin ng dagat bago isako para gamiting pampabigat ng mga bubong.

May ilan ding pinatibay ang haligi ng kanilang bahay.

Sa bayan ng Lagonoy, ilang residente ang nagputol ng mga sanga ng kahoy sa kanilang bakuran.

Ang ilang kawani ng DPWH at LGU-Camarines Sur, nagputol din ng mga sanga ng kahoy sa mga national highway.

Ayon sa tagapagsalita ng PDRRMC sa probinsya na si Estel Estropia, sa Linggo inaasahan ang preemptive evacuation sa mga residente na nakatira sa hindi ligtas na mga bahay.

Nakikiusap sila na agad sumunod ang publiko kung magkakaroon ng forced evacuations, lalo sa mga binabaha at landslide-prone na mga lugar.

Inaasahang unang tatamaan ni Tisoy ang Bicol region nitong dadating na mga araw.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.