Bangkay ng lalaki natagpuan sa kalsada sa QC

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2019 07:26 AM

Nakahandusay sa gilid ng kalsada ang isang bangkay ng lalaki sa Quezon City. Fred Cipres, ABS-CBN News

MAYNILA—Natagpuan ang isang bangkay ng lalaki sa gilid ng kalsada sa Araneta Ave. sa Barangay Tatalon, Quezon City, Sabado ng madaling-araw.

Nakatali ang mga paa nito at may bakas ng sakal sa leeg. Nakasuot ang lalaki ng pulang T-shirt at itim na short.

Nagtamo rin ng sugat sa dibdib ang biktima na posibleng dahil sa saksak.

Ayon kay Felix Raña, public safety officer ng Barangay Tatalon, natagpuan ng 2 concerned citizen ang bangkay at inireport ito sa kanila alas-2:15 ng madaling-araw.

Base sa ID na nakuha mula sa bulsa ng biktima, tumutugon ito sa pangalang Jeffrey Certeza.

Ayon sa pulisya, posibleng itinapon lamang sa Barangay Tatalon ang bangkay ng biktima, pero sa ibang lugar ito pinatay.

Dinala sa St. Elridge Funeral Homes sa may Congressional Ave. ang katawan ng biktima.—Ulat ni Fred Cipres, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.