Turkish national sa viral road rage video, ipade-deport

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2018 04:51 PM

Pinoproseso na ang deportation ng Turkish national na si Yuksel Ibrahim, ang banyaga sa nag-viral na road rage video sa Buendia, Makati noong nakaraang linggo.

Suspek si Ibrahim sa pananakit at pagbabanta sa isang Makati traffic enforcer.

Ayon sa hepe ng Makati police na si Senior Superintendent Rogelio Simon, nagpiyansa Huwebes ng gabi si Ibrahim ng P18,000 para sa kasong direct assault na isinampa ng nakaalitang enforcer na si Michael Orcino.

Pero matapos magpiyansa, dinampot din siya agad ng Bureau of Immigration (BI).

Ayon sa mga awtoridad, hawak na ng BI ang suspek at pinoproseso na ang kaniyang deportation.

Pero dahil may kaso pa, maaaring tapusin muna ng suspek ang mga pagdinig bago mapabalik sa kaniyang bansa.

Nag-viral sa social media nakaraang Biyernes ang video kung saan kita si Ibrahim matapos umanong masagi ang motorsiklo ni Orcino. Pero sa halip na mag-sorry, sinipa pa niya ang motorsiko at pinagtutulak ang naturang enforcer.

—Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.