PatrolPH

Mga turista papuntang Baguio City, nakaranas ng masikip na daloy ng trapiko

Justin Aguilar, ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2018 07:41 PM

BAGUIO CITY - Masikip na daloy ng trapiko ang sumalubong sa mga turistang papasok sa lungsod para magbakasyon ngayong long weekend.

Ang ilang sasakyan nag-overheat, habang ang iba naman, uminit na ang clutch dahil sa mabagal at patigil-tigil na usad ng mga sasakyan.

Ang motoristang si Olan Ungria, unang beses magmaneho papuntang Baguio mula Maynila. Nabigla umano siya sa kondisyon ng kalsada.

"Nagulat ako, ganito pala 'yung condition. Sabay-sabay 'yung road construction tapos along the way, may mga 7 na road accident," aniya.

Ang pamilya Lauriano mula Sta. Ana, Maynila, sa kalsada na inabot ng gutom. Sa Baguio umano nila napiling mamasyal ngayong long weekend.

"Unexpected kasi nakapunta na 'ko dito pero first time ko ma-experience 'yung ganito. Kasi ata temporarily closed 'yung Kennon Road. Tapos long weekend," ani Fatima Lauriano.

Ang ilang pasahero, nagpasyang maglakad na lang. Pati sa mga kalsadang palabas ng Baguio, masikip na rin ang daloy ng trapiko.

Ayon sa Department of Public Works and Highways (DPWH), may alternatibong ruta na paakyat at palabas ng Baguio. Ito ang Tubao-Aringay Alternate Road at Anduyan Bridge sa La Union. 

Maaari itong daanan ng mga sasakyan maliban sa bus at truck.

Kung galing Baguio, bumiyahe papuntang Asin Road. Madadaanan ang dalawang tunnel at mga swimming pool sa lugar, at ang labas ay sa Tubao, La Union.

Tiniyak naman ng awtoridad na ligtas ang alternatibong ruta. Ayon sa DPWH, magdaragdag pa sila ng mga ilaw. 

Kung ikukumpara sa Marcos Highway, mas makipot ang Tubao-Aringay Alternate Road.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.