P500 ayuda kada buwan sa mga kumikita ng minimum, inihirit

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2017 08:50 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Isusulong ng mga labor group ang subsidiyang P500 kada buwan para sa mga minimum wage earners at mga mas mababa pa ang kita na masasapul sa pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa ilalim ng panukalang tax reform. 

Muling umapela sa gobyerno ang grupong Associated Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP) na bigyan ng ayuda ang ilang manggagawa upang may "pansalo" sila sa magiging dagdag-gastusin kapag tuluyang maipasa ang tax reform.

"Magbigay ng P500 kada buwan na cash vouchers," ani Alan Tanjusay, tagapagsalita ng ALU-TUCP.

Isa ito sa mga hihilingin nila sa pulong kay Pangulong Rodrigo Duterte sa susunod na linggo. 

"Dapat kukunin ang perang ito doon sa mga sobrang budget ng mga ahensiya at mga departamento na hindi nagasta sa loob ng isang taon," dagdag ni Tanjusay.

Kung hindi pagbigyan, wala na anila silang magagawa kung sumama ang loob ng mga manggagawa sa gobyerno.

Sapul kasi ng tax reform program ang presyo ng matatamis na inumin, singil sa kuryente, at maging pamasahe dahil sa pagmahal ng diesel. 

May exempted at bawas din naman sa personal income tax ng maraming manggagawa kaya may pambawi pero walang dagdag take-home pay ang mga minimum wage earners na dati nang exempted.

-- Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.