Mga baril at motorsiklo, nasunog sa kampo ng militar sa Camarines Sur

Mylce Mella, ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2017 12:14 AM | Updated as of Nov 30 2017 01:22 AM

Nasunog ang isang guard house sa loob ng compound ng Kampo Elias Angeles, 9th Infantry Division sa Pili, Camarines Sur Miyerkoles ng madaling araw.

Nasunog ang guard house at quarters na nasa second gate. Sampung minuto ang inabot sa pag-apula ng sunog.

Natupok ang ilang gamit ng mga sundalo, kasama ang isang motorsiklo, mga baril, isang automatic rifle, limang magasin, at ammunition box.

Sa spot report ng Bureau of Fire Protection, napansin ni Corporal Anjun Laboyo, ang guard on duty, ang sunog mula sa quarters o tulugan ng mga sundalo.

Tinawag niya ang mga kasama para rumesponde gamit ang tubig mula sa gripo ngunit wala na silang nagawa nang magputukan na ang mga bala.

Ayon sa BFP, maaaring may nangyaring kapabayaan na siyang naging sanhi ng sunog.

Tinatayang nasa P100,000 ang halaga ng ari-ariang napinsala ng sunog.

Tumangging magbigay ng pahayag ang pamunuan ng 9th Infantry Division ukol sa sunog.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.