Binata patay nang makipag-agawan umano ng baril sa pulis

Grace Alba, ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2017 09:14 PM

Patay ang isang 18-anyos na lalaki matapos umano makipag-agawan ng baril sa isang pulis sa Barangay Gayamat, Piddig, Ilocos Norte Miyerkoles ng gabi.

Kinilala ang namatay na si Sherwin Francisco, residente ng nasabing barangay, habang kinilala naman ang nakabaril na pulis na si SPO1 Sammy Lucero ng Piddig Police Station.

Ayon kay Senior Insp. Byron-John Ratunil, Deputy Chief ng Piddig Police Station, nagsimula ang insidente nang rumesponde si Lucero kasama ang dalawa pang pulis sa bahay ng isang nagngangalang Jefferson Tabaniag sa Barangay Anao sa Piddig.

Binabato umano ang kaniyang bahay ng mga lalaking nakasakay sa motorsiklo.

Habang kinakausap ng mga pulis ang isa sa mga miyembro ng pamilya Tabaniag, may dumating na dalawang motorsiklo.

Namukhaan ni Tabaniag ang mga ito na sila ang mga nambabato sa kanilang bahay. Isa umano sa mga sakay ng motorsiklo si Francisco.

"During sa pagi-interview ng mga kasama, bumalik 'yung motor then noong dumaan sila, na-identify ng mga complainant na ‘yun 'yung mga nambato, so, dalawang motor, parehong may angkas, so parang riding-in-tandem," ani Ratunil.

Itinuloy ng tropa ni Lucero ang pagpapatrolya at sinundan ang mga naka-motorsiklo na umano’y grupo ni Francisco.

Nakarating sa Barangay Gayamat ang tropa ni Lucero hanggang sa may nakita silang dalawang lalaking bumaba sa isang motorsiklo sa gilid ng kalsada.

Nilapitan ng mga pulis at nang babaan nila ang motorsiklo, bigla na lamang may dalawang lalaking nambasag sa windshield ng kanilang patrol car.

Dahil sa tila nasa panganib ang tropa ni Lucero, lumabas siya ng sasakyan para hulihin ang dalawang lalaki. Tinangka nitong bunutin ang baril pero inunahan at inagawan umano siya ni Francisco, na isa rin sa mga dalawang nambasag umano ng windshield.

"Sinubukang bumaba ang tropa. Pagbaba ng nasa passenger side na kasamahan natin, si SPO1 Lucero, binunot ‘yung baril niya, hindi niya napansin na nasa tabi niya na pala ‘yung mga sakay ng Honda Wave 125. So, doon, nag-agawan, na-out balance sila, doon na nangyari ang agawan ng baril at doon na naaksidenteng naputok ‘yung baril," paliwanag ni Ratunil.

Nakatakbo ang kasama ni Francisco. Nasugatan naman ang kaliwang hita ng isa sa mga kasama ni Lucero na si PO2 Christian Gabriel. 

Isinugod sa ospital ang mga biktima ngunit idineklarang dead on arrival si Francisco.

Tumanggi munang magbigay ng pahayag si Lucero sa insidente. Aniya, hihintayin muna niyang makumpleto ang mga kinakailangang dokumento para sa imbestigasyon ng kaso.

Hindi naman kumbinsido ang pamilya Francisco na self-defense ang ginawa ni Lucero. Hindi rin umano magagawa ni Francisco ang pambabato sa bahay ng pamilya Tabaniag.

Hiling nila na magkaroon ng mas malalim at patas na imbestigasyon sa insidente.

Dumaan na sa paraffin test si Lucero at ang dalawa itong kasamang pulis na sangkot sa insidente. Ipapa-autopsy rin ang bangkay ni Francisco.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.