Babae, tinawid ang Marawi battle area para sa hipag na sugatan

ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2017 07:01 PM

Watch more in iWant or iWantTFC

Pinatunayan ni Hadji Anissa Gabriel na hindi balakid ang relihiyon para tumulong sa kapwa noong kasagsagan ng bakbakan sa Marawi.

Sa episode ng ‘Red Alert’ nitong Miyerkoles, ibinahagi ni Anissa ang kaniyang karanasan nang maipit sa loob ng war zone.

Nagtago si Anissa kasama ang kaniyang hipag sa loob ng kanilang bahay habang naghihintay ng rescue. 

Habang pinoprotektahan nila ang kanilang mga sarili sa bakbakan ng mga terorista at militar, nakasalubong nila ang kapitbahay nila na isang Kristiyanong binatilyo.

“May nasagip ako na Christian na bata sa labas ng bahay ko na umiiyak,” pag-alala ni Anissa.

“Iniwan [siya] ng amo niya. Hindi siya sinasama kasi natakot ‘yung amo baka agawin [ng mga terorista]. Baka patayin.”

Sa kabila ng peligrong maaari nilang kaharapin, naging buo ang loob ni Anissa na sagipin ang binatilyo.

“Tinulungan ko siya kasi naawa ako. Sino naman ang tutulong sa kaniya? Ako lang nando’n. Baka dalawang araw lang o tatlong araw lang, wala na ‘to.”

Samantala, napilitan naman si Anissa na humingi ng saklolo nang tamaan ng ligaw na bala ang kaniyang hipag na si Geraldine.

"Pa'no kung maubusan siya ng dugo? Hindi siya ma-rescue? 'Di mamamatay siya. Mamamatay din ako do’n,” banggit ni Anissa.

Nagdesisyong lumabas na ng battle area si Anissa kasama ang binatilyo kahit mabigat sa loob niyang iwan ang hipag.

“Tatlong beses akong bumalik, ta’s hindi ko matiis na iwan ko siya. Wala siyang kasama. Matutulog na walang ilaw. Walang makain.”

“Nung iniwanan ko ‘yun, hindi na ako lumingon para [makaalis nang diretso]. Wala na, wala na, kailangan naming matulungan siya.”

Nang nakalabas sa battle area kasama ang binatilyo, itinuro niya sa rescuers ang kinaroroonan ni Geraldine. 

Matapos ang mahigit tatlong linggo, natagpuan si Geraldine na buhay at ligtas.

Panoorin ang ikalawang yugto ng ‘Red Alert’ special tungkol sa Marawi sa susunod na Miyerkoles, Disyembre 6 pagkatapos ng ‘Bandila’ sa ABS-CBN.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.