3 magkakaibigan, nalunod sa Quirino

Danielle Rebollos, ABS-CBN News

Posted at Nov 30 2016 09:00 PM

QUIRINO – Patay ang tatlong magkakaibigan matapos tangayin ng malakas na agos ng tubig sa ilog sa Aglipay, Quirino, Martes ng umaga.

Nalunod sina Rallen Huagon, 15 taong gulang; Cue Dalit, 16; at Ronzil Nicano, 14; mga residente ng Barangay Palacian, matapos umanong magtangkang tumawid sa isang tulay na nasapawan ng tubig sa Purok Tres, Barangay San Francisco.

Ayon kay Inspector Rafael Madrid, deputy chief of police ng Aglipay, sakay ng tricycle ang mga biktima nang pilitin ng mga itong tumawid sa tulay. Pagdating nila umano sa gitna ay huminto ang sinasakyang tricycle dahil sa lakas ng agos ng tubig sa ilog.

Tinangay umano ang tsinelas ni Nicano, at nilangoy niya ang ilog para kuhanin ito. Nang makita ng dalawang kasama na tila nalulunod na si Nicano ay sumaklolo umano ang mga ito, ngunit tinangay din sila ng malakas na agos.

Nakuha ang mga bangkay nina Huagon at Dalit isang oras matapos ang insidente, habang nakuha naman ang katawan ni Nicano Miyerkules ng umaga.

Payo ng pulisya sa publiko, mag-ingat sa pagtawid sa mga ilog, lalo na't madalas ang pag-ulan na nagdudulot ng pagtaas ng tubig.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.