PatrolPH

Lalaking nagpanggap umanong pulis para makapangikil huli sa Batangas

Jorge Cariño, ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2022 12:19 PM | Updated as of Nov 29 2022 01:30 PM

Arestado ang isang lalaki sa Talisay, Batangas matapos magpanggap na pulis para makapangikil, sabi ngayong Martes ng pulisya.

Kinilala ni Brig. Gen. Warren de Leon, hepe ng Philippine National Police Integrity Monitoring and Enforcement Group (PNP-IMEG), ang suspek bilang si Arvin Luzaran Sumague, 42 anyos at residente ng Barangay Sta. Maria sa Talisay.

Hinuli si Sumague matapos umanong ireklamo ng isang Peter Paul Pascuguin, na residente rin ng parehong bayan.

Noong Linggo, nagpakilalang pulis umano si Sumague at humingi ng "protection money" kina Pascuguin dahil sa pagsusugal na nangyari sa lamay sa bahay ng kamag-anak nito.

"Nagpakilala siya na si Corporal Edison [at] pumunta doon sa complainant natin para manghingi ng pera," ani De Leon.

"Dahil 'yong complainant, may patay sa kanila, may lamayan, naglagay siya ng table para maglaro 'yong mga naglalamay... makapagsugal," dagdag ng pulis.

Nagkasa umano ng entrapment operation ang mga awtoridad na nauwi sa pagkakahuli sa suspek.

Depensa ng suspek, napag-utusan lang siya ng isang pulis na kuhanin ang pera pero pinabulaanan ito ng mga awtoridad matapos magsagawa ng beripikasyon, ani De Leon.

Kinasuhan ang suspek ng robbery-extortion at usurpation of authority.

KAUGNAY NA ULAT: 

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.