PatrolPH

Mga guro naghain ng petisyong umento sa sahod

Raya Capulong, ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2022 05:22 PM

 Nagtungo sa Malacañang ang grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) para maghain ng petisyong humihiling ng taas-sahod ng mga guro, Nobyembre 29, 2022. Retrato mula sa ACT
Nagtungo sa Malacañang ang grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT) para maghain ng petisyong humihiling ng taas-sahod ng mga guro, Nobyembre 29, 2022. Retrato mula sa ACT

MAYNILA — Nagsumite ng petisyon sa Malacañang ngayong Martes ang grupong Alliance of Concerned Teachers upang hilingin ang dagdag-sahod ng mga guro.

Bitbit ng grupo ang mga kahon na may lamang mga dokumentong pirmado ng 60,038 public school teachers at educational personnel na nagpapahayag ng suporta sa petisyon.

Ayon kay ACT Chairperson Vladimer Quetua, nais ng grupong itaas sa Salary Grade (SG) 15 ang sahod ng entry-level teacher mula sa kasalukuyang SG 11.

Nanawagan din ang grupong itaas sa P33,000 ang SG 1 para sa ibang empleyado ng gobyerno at dagdag na P1,100 sa minimum wage sa pribadong sektor.

"Hindi na makaaagapay 'yong aming sahod na napakaliit at malayong-malayo sa family living wage," ani Quetua.

"Kung tatanggalin pa 'yong government taxes at mga utang niya (guro) ay karamihan ang average na sahod ng mga guro na lamang ay P7,000 to P8,000," dagdag ni Quetua.

Kaniya-kaniyang diskarte na umano ang mga guro para lang may pantustos sa araw-araw na gastusin at mapagkasya ang maliit na sahod.

"Hindi lang 'yan may nagpa-part-time, 'yong iba nga pinapaupahan 'yong kanilang bahay," ani Quetua.

"'"Yong isang co-teacher ko nga, nagtitinda ng banana cue at kamote cue pagkatapos niya magturo," dagdag niya.

Nanawagan si Quetua kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pakinggan ang hinaing ng mga guro, lalo't papalapit na ang Pasko.

Lalahok sa malawakang protesta sa Miyerkoles ang ACT kasabay ng pagdiriwang ng Bonifacio Day. Ito'y para igiit anila ang panawagang umento sa sahod.

RELATED VIDEO

Watch more News on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.