PatrolPH

2 nangholdap umano ng convenience store sa Makati tiklo

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2022 11:24 AM

MAYNILA—Arestado ang dalawang lalaki matapos umanong mangholdap ng mga cellphone sa Pasong Tamo, Makati City.

Ayon sa Makati Police nitong Lunes, lalabas na sana mula sa isang convenience store ang tatlong biktima nang biglang pumasok ang dalawang suspek at magdeklara ng holdap. 

Pinagkukuha ng mga ito ang tatlong cellphone mula sa mga biktima at mabilis na tumakas sakay ng motor.

Agad namang tumawag ang isang security guard sa mga pulis at natunton amg mga suspek dahil sa GPS tracker na ginamit sa isa sa mga ninakaw na cellphone.

Kinilala ang mga suspek na sina "JP", 22, at "Jake" 37.

Ayon sa mga pulis, nahuli na rin sa pagnanakaw ng mga cellphone ang dalawa may kalahating taon na ang nakalipas.

Narekober ang tatlong tinangay na cellphone at isang .38 kalibre na baril.

Sasampahan ang mga suspek ng robbery at illegal possession of firearms.

Nagpaalala naman ang mga pulis sa publiko na mas maging mapagmatiyag sa paligid para makaiwas sa mga magnanakaw lalo't magpapasko.—Ulat ni Izzy Lee, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.