PatrolPH

Imahen ng Itim na Nazareno ililibot sa iba-ibang simbahan

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2021 05:48 PM

MAYNILA — Kahit kanselado ulit sa susunod na taon ang taunang prusisyon na Traslacion, tuloy pa rin ang pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno.

Ayon kay Fr. Douglas Badong, parochial vicar ng Minor Basilica of the Black Nazarene o Quiapo Church, bukod sa mga misa ay ililibot din ang imahen ng Itim na Nazarneo sa mga simbahan sa iba't ibang panig ng Luzon.

Kasama rito ang Baguio City, La Union, Dagupan City, Cabanatuan City sa Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Atimonan at Lucena sa Quezon, San Pablo City sa Batangas at Imus sa Cavite.

Dadaan din ito sa simbahan sa Las Piñas at Baclaran Church sa Parañaque bago bumalik sa Quiapo Church.

Tuloy din aniya ang taunang Thanksgiving procession sa Disyembre 30 pero gagawin ito sa pamamagitan ng motorcade.

Ilalagak din ang Poong Nazareno sa Sta. Cruz Church sa loob ng 9 na araw para masulyapan ang imahen.

Nauna nang inanunsiyo ni Badong noong nakaraang linggo na kanselado ulit sa susunod na taon ang Traslacion, na nilalahukan ng daang-libong deboto, dahil sa patuloy na banta ng COVID-19.

Katuwang naman ng Quiapo Church ang Philippine National Police at hijos para matiyak na magiging maayos ang mga pagdiriwang, ani Badong.

Samantala, pansamantalang isasara ang ilang kalsada sa Maynila sa Enero 9 kasabay ng pagdiriwang ng pista ng Itim na Nazareno.

Sa abiso ng Manila Police District, mula alas-8 ng gabi ng Enero 8, isasara ang mga sumusunod:
• Kahabaan ng Quezon Boulevard mula A. Mendoza/Fugoso hanggang Carlos Palanca Street
• Kahabaan ng Quezon Bridge
• Westbound ng España Boulevard mula P. Campa hanggang A. Mendoza
• Kahabaan ng C.M. Recto mula Rizal Avenue hanggang N. Reyes
• Kahabaan ng Evangelista Street mula Paterno Street hanggang Recto Avenue
• Kahabaan ng C. Palanca Street mula Plaza Lacson hanggang Ayala Bridge (P. Casal Street)

—Ulat ni Raya Capulong, ABS-CBN News

RELATED VIDEO

Watch more on iWantTFC
Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.