Suspek sa panloloob sa bike shop sa Caloocan timbog

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2020 11:59 AM

Huli ang isang lalaki na sinasabing nanloob sa isang bike shop sa Caloocan. Hindi na na-recover ang mga ninakaw na gamit. Retrato mula sa Northern Police District

Arestado ang isang lalaki na nakatangay ng higit P114,000 halaga ng mga gamit sa panloloob sa isang bike shop sa Caloocan City, sabi ngayong Linggo ng mga awtoridad.

Ayon sa may-ari ng bike shop, napansin niyang nawawala na ang padlock at bukas na ang pinto ng kaniyang tindahan nang balikan niya ito.

Pagpasok umano niya sa loob ng shop ay nakita niyang kalat-kalat na ang mga gamit at marami na rin ang nawawala.

Nagsumbong ang biktima sa Caloocan police, na agad nagsagawa ng follow-up operation na nauwi sa pagkakahuli ng 29 anyos na suspek.

Hindi na umano na-recover ng mga awtoridad ang mga ninakaw na gamit, kabilang ang mga bike at mamahaling bike parts na may kabuuang halagang P114,600.

Tumangging magsalita ang suspek kung naibenta na niya ang mga tinangay na gamit.

Patuloy umano ang imbestigasyon sa kaso.

Nitong pandemya, nauso ang pagbibisikleta bilang paraan ng transportasyon matapos suspendehin ng gobyerno ang mga public transport upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19.

RELATED VIDEO:

Watch more in iWantTFC

-- Ulat ni Jekki Pascual, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.