P26-M halaga ng marijuana nakumpiska sa 3 suspek sa QC

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2020 04:03 PM | Updated as of Nov 29 2020 11:19 PM

Naaresto sa Barangay Apolonio Samson, Quezon City ang 3 drug suspect na nakuhanan ng higit 200 kilo ng marijuana.

Aabot sa P26 milyon halaga ng marijuana ang nakuha ng mga awtoridad sa 3 suspek sa buy-bust operation sa Barangay Apolonio Samson, Quezon City ngayong Linggo.

Sa ikinasang operasyon ng mga tauhan ng Philippine National Polcie Drug Enforcement Group (PNP-DEG) at Philippine Drug Enforcement Agency, natagpuan ang droga na nakasilid sa mga karton at sako ng gulay.

"Ang front nila is bawang or vegetables," ani PNP-DEG chief Col. Henry Biñas.

Noong Biyernes pa umano nakatransaksiyon ng poseur-buyer ang mga suspek, pero nitong Linggo lang nakipagkita ang mga ito.

Watch more in iWantTFC

Ayon kay Biñas, sa Isabela pa kinukuha ang supply ng marijuana.

"Ang market nila is Metro Manila. Ang pinaka-source nila is Isabela... Grupo ito. Hindi ko muna i-divulge ang ibang detalye," aniya.

Aabot sa higit 200 kilo ng marijuana ang nakuha sa mga suspek.

Itinanggi naman ng isa sa mga suspek na si "Angelo" na sangkot siya sa ilegal na transaksiyon.

Napag-utusan lang daw siyang kuhanin ang mga kahon.

Tumanggi namang magbigay ng komento ang kaniyang mga kasamahan.

Nahaharap ang mga suspek sa reklamong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act.

-- Ulat ni Bianca Dava, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.