PatrolPH

COVID-19 cases sa Pilipinas 429,864 na

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2020 04:40 PM

COVID-19 cases sa Pilipinas 429,864 na 1
Mga commuter na papunta sa isang bus loading and unloading area sa Agham Road, Quezon City noong Okubtre 15, 2020. Mark Demayo, ABS-CBN News

MAYNILA — Umabot na sa 429,864 ang kabuuang bilang ng kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa Pilipinas, base sa tala ngayong Linggo ng Department of Health (DOH).

Ayon sa DOH, nakapagtala sila 2,076 dagdag na kaso ng respiratory disease kaya umakyat sa halos 430,000 ang kabuuang bilang.

Pero sa bilang na ito, 22,867 ang active cases o iyong hindi pa gumagaling sa sakit.

Tumaas din kasi sa 398,624 ang kabuuang bilang ng mga gumaling sa sakit matapos makapagtala ng 10,579 new recoveries ang DOH ngayong Linggo sa ilalim ng "Oplan Recovery."

Nadagdagan naman nang 40 ang bilang ng mga namatay para sa 8,373 kabuuang death toll.

Sa Quezon City naiulat ang pinakamaraming bilang ng mga bagong kaso ngayong Linggo, na nasa 137. Sinundan ito ng Laguna (122), Cavite (103), Batangas (96) at Angeles City (79).

Kamakailan, nagbabala ang mga awtoridad na patuloy na sumunod sa mga health protocol upang maiwasan ang pagkalat ng COVID-19, lalo't posibleng tumaas umano ito sa darating na holiday season.

Sa buong mundo, 62.2 milyon na ang bilang ng mga nahahawahan ng COVID-19, base sa tala ng Johns Hopkins Coronavirus Resource Center.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.