2 bata nasagip sa muntikang pagkalunod sa Tuguegarao

ABS-CBN News

Posted at Nov 29 2020 10:06 AM

TUGUEGARAO CITY - Nailigtas ang dalawang batang muntik nang malunod sa naipong tubig sa isang bakanteng lote sa lungsod na ito noong Biyernes ng hapon, ayon sa pulisya.

Sumaklolo sa mga batang edad 9 at 10 sina Police Cpl. Edgar Pizarro at Police Cpl. Romnick Andal, na papunta sanang Barangay Atulayan Sur para maghatid ng relief goods.

Napunta ang dalawang bata sa malalim na bahagi habang lumalangoy sa naipong tubig sa bakanteng lote, ayon sa imbestigasyon ng pulisya. 

“Naipon po na tubig. Alam naman natin na itong tabi ng airport, daanan ng tubig yan. Diyan po ang labasan ng tubig galing ng Balzain, Caritan, Atulayan,” ani Lt. Col. Jhonalyn Tecbobolan, hepe ng Tuguegarao City Police.

“Sa tuwing nadadaan kami dun, may mga nakikita kaming mga bata na nagsu-swimming talaga dun. E yung pinaglanguyan nila, malalim yung area na yun. Kung makita mo yung video, talon lang nang talon yung mga pulis dun sa area kung saan nalunod yung dalawang bata kasi malalim, lampas isang tao,” dagdag niya.

Paalala ng awtoridad sa mga magulang na bantayang mabuti ang kanilang mga anak para hindi malagay sa kapahamakan. 

Video courtesy of Tuguegarao City Police

- Ulat ni Harris Julio

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.